March 13, 2023 | Monday
Paalala ng Salita ng Diyos
Today's verses — Deuteronomio 6:8-9 MBBTAG
"Ipulupot ninyo ito sa inyong mga kamay bilang tanda, itali sa inyong noo, isulat sa mga hamba ng pintuan ng inyong bahay at mga tarangkahan."
Basahin: Deuteronomio 6
Pinaalalahanan ni Moses ang mga Israelita patungkol sa Salita ng Diyos bago sila pumasok sa Lupang Pangako. Binigyang-paalala sila tungkol sa kautusan ng Diyos na ibigin ang Diyos ng buong puso, isip, kaluluwa, huwag sumamba sa mga diyus-diyosan, magkaroon ng takot kay Yahweh, at huwag kalimutan ang milagro ng pagkakaligtas sa kanila ng Diyos sa Ehipto.
Ipinaalala sa kanila na ang mga utos ay gawin, sundin, ituro sa mga anak, pag-aralan mabuti sa tahanan man o sa paglalakbay, ipulupot sa mga kamay bilang tanda, itali sa noo, isulat sa mga hamba at mga tarangkahan ng bahay. Ito'y upang malugod si Yahweh sa kanila at pagpalain sila. Dito ay maipakita nila na iniibig nila ang Panginoon. Ang mga resulta nito ay pagiging matagumapy sa kaaway, maunlad sa lahat at masagana sa anumang bagay.
Huwag nating kalimutan ang pagbabasa araw-araw ng Salita ng Diyos. Bigyan natin ng oras ang pag-aaral dito kasama ang Espiritu Santo. Nang sa gayon ay magtagumpay tayo sa anumang sitwasyon at maipaalala sa ating ng Banal na Espiritu Santo ang mga napagbulayan nating Salita Niya. Kasama pa rito ay magkaroon tayo ng mas malawak na kaalaman sa ating Panginoon, maging maunlad tayo sa buhay dahil sa mga Salita Niyang buhay, maging masagana tayo sa lahat ng bagay, at maging matagumpay tayo sa bawat hamon ng buhay.
Aming Ama, maraming salamat sa Iyong Salita na ibinigay sa amin upang kami ay paalalahanan sa aming buhay. Tulungan niyo po kaming basahin ang Salita Mo, aralin, at gamitin sa anumang pagsubok at sitwasyon ng aming buhay. Sa Pangalan po ng aming Panginoong Jesus. Amen.
Pagnilayan:
Ilang oras araw-araw ang inilalaan mo para sa lugar ng iyong spiritual improvement?
Anong pamamaraan mo para mas lalo ka pang lumago sa iyong buhay mananampalataya?
Papaano pagsisikapan ng mga mananampalataya ang paggamit ng mga devotional materials para mas ma-enjoy lalo ang Salita ng Diyos? Bakit?
Writter: Miguel Amihan