March 15, 2023 | Wednesday

Kamangha-manghang Diyos

Today's verses  Lucas 5:26 MBBTAG

Nanggilalas ang mga naroroon at nagpuri sila sa Diyos. Sa pagkamangha ay sinabi nila, “Nakakita tayo ngayon ng mga kahanga-hangang bagay!"

Basahin: Lucas 5

Maraming kayang gawin ang Diyos, sa anumang pamamaraang nais Niya upang ihatid sa atin ang Kanyang mga milagro.


Ang kamangha-manghang gawa ng Diyos ay hindi maitutulad ibang mga paniniwala o relihiyon. Kung ang iba'y inaalay ang kanilang buhay sa kanilang diyos upang matamo ang kaligtasan, ang Diyos ng Biblia (ng mga Kristiyano) ay naparito sa lupa, naging tao, nag-alay ng Kanyang buhay para sa kaligtasan ng lahat! Ito ay sa katauhan ni Hesus.


Makikita natin ang isa sa maraming milagrong ginawa ni Hesus sa lupa sa paralitikong naranasan ang kapatawaran at kagalingan mula sa Kanya (Lucas 5:17-26).


Ang patawarin ka ng Diyos sa kasalanan ay isang milagro na mas matimbang pa sa anumang karamdaman. Ang 'pagpapatawad' ay 'pakawalan o paalisin'. Kaya ang pagsabi ni Hesus ng pagpapatawad sa paralitiko ay nangangahulugang siya ay pinakawalan o pinalaya sa sakit nito — maging ang sakit ng kaluluwa. 


Minsan sa buhay natin, hindi natin naiintindihan ang pamamaraan ng Diyos lalo na sa panahon ng may pagsubok, problema, at sakit. Ngunit, kayang-kaya ng Diyos makapagpagaling — kahit pa sa sakit o kondisyon na kailangan nating mapagaling at makalaya. Ang Diyos ay nagpapatawad at nagbibigay ng kagalingan. 


Tulad ng mga taong nakita ng pagpapagaling ni Hesus sa paralitiko, ang ating buhay ay magiging paghanga sa pamamaraan ng Diyos. 

Aming Ama, patawarin Niyo po kami sa madalas na hindi pag-intindi sa iyong pamamaraan. Minsan ay nalilimitahan namin ang Iyong kapangyarihang magpagaling, dala ng maraming kinakaharap sa buhay. Ngunit, ngayon ay tinatanggap at nagpapasalamat po ako sa Iyong kapatawaran at sa Iyong kagalingan. Humahanga kami sa Iyong pamamaraan. Sa Pangalan ng Panginoong Jesus. Amen.

Pagnilayan:

The Bible in 1 year: Matthew 7-9

Written by: Miguel Amihan