November 14, 2024 | Thursday
UVCC Daily Devotion
The Be-Attitude • 8 of 9
The Be-Attitude #8: Inuusig Dahil Sa Pagsunod Sa Diyos
Today's Verses: Matthew 5:10 (ASND)
Mapalad ang mga dumaranas ng pag-uusig dahil sa pagsunod nila sa kalooban ng Dios, dahil makakasama sila sa kaharian ng Dios.
Read Matthew 5
Naranasan mo na bang hindi panigan dahil sa commitment mo sa pagsunod sa utos ng Diyos?
Sa Matthew 5:10, binibigyan ng pagpapala ang mga inuusig dahil sa katuwiran, sapagkat sila ang may kaharian ng langit. Kasama ito sa mga turo ni Jesus sa Mateo 5:3-13 na nagpapala sa mga may mababang loob, nagugutom sa katarungan, at naghahangad ng kapayapaan. Ang mga inuusig dahil sa katuwiran ay tiyak ang gantimpala sa kaharian ng langit.
Naranasan mo na bang mausig? Yung hindi ka nakikipagsabayan sa inuman o bisyo kaya hindi ka na iniimbitahan. Yung umiiwas ka sa masamang salita pero inaasar ka. O kaya’y may umiiwas sa iyo, may side comment sa iyo, at natsitsismis ka dahil hindi ka sumasang-ayon sa mali nilang pananaw. Ang mga ito ay mga halimbawa ng pag-uusig. Ang pag-uusig ay ang maranasan ang pang-aapi at pag-atake dahil sa iyong makadiyos na paniniwala at pagsunod. Ito ang katotohanan, pinagpapala ng Diyos ang mga nanguungulila dahil mas pinili nilang sundin si Jesus kaysa sumang-ayon sa gusto ng sanlibutan. Pinagpapala ng Diyos ang mga hindi sikat at hindi sang-ayon sa mga gawaing makasalanan ng sanlibutan. Ang mga inuusig dahil sa pagsunod sa Diyos ay tiyak na pagpapalain Niya at magiging bahagi ng Kanyang kaharian. Kaya’t ikaw na dumaranas ng pag-uusig dahil sa iyong pagsunod kay Kristo, ay may tiyak na gantimpala mula sa Diyos. Ang iyong pananampalataya at pagsunod ay mahalaga sa Diyos at sa Kanyang kaharian.
Kung ikaw ay inuusig dahil sa iyong pananampalataya at pagsunod, huwag manghina. Manatili kang tapat sa Diyos, kahit na mahirap. Huwag mong pabayaan ang iyong commitment kay Jesus, kahit ang mundo ay magtangkang humatak sa iyo pabalik sa kasalanan. Ang pag-uusig ay tanda ng iyong pagsunod sa Kanya. Patuloy na magtiwala sa Kanyang mga pangako. Maging bahagi sa adhikain ng walang hanggang kaharian ng Diyos.
Panalangin:
Aking Diyos Ama, lumalapit ako sa Iyo ng may pagpapakumbaba. Patawarin Mo po ako sa aking mga pagkukulang at mga kasalanan. Salamat po sa Iyong walang sawang pag-ibig at lakas, lalo na sa mga oras ng pag-uusig. Tulungan Mo akong manatiling tapat kay Jesus at magsilbi ng buong puso. Kahit madalas ay mahirap, turuan Mo akong magpatuloy ng tapat at tuloy-tuloy.
Sa pangalan ni Jesus, Amen.
Pagninilay:
Bakit mahalaga ang pagsisikap para sa kapayapaan sa loob ng pamilya o ng samahan?
Ano ang mangyayari kung mas maraming tao ang nagsusumikap para sa kapayapaan?
Paano tayo magiging tagapamayapa sa mga alanganing pagkakataon dahil sa tampuha, di pagkakaunawaan, o alitan?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions