November 12, 2024 | Tuesday
UVCC Daily Devotion
The Be-Attitude • 6 of 9
The Be-Attitude #6: Malinis na Puso
Today's Verses: Matthew 5:8 (MBBTag)
Pinagpala ang mga may malinis na puso, sapagkat makikita nila ang Diyos.
Read Matthew 5
May hangarin ka bang mapalago ang pagkakaisa at kapayapaan sa pamilya at simbahan?
Sa Mateo 5, tinuro ni Jesus ang mga Beatitudes, na naglalarawan ng mga pagpapala para sa mga may kababaang-loob, naglalangis ng katuwiran, at mga mapagpakumbaba. Sa verse 8, binigyang-diin ni Jesus ang pagpapala para sa mga malinis ang puso, sapagkat sila ay makakakita ng Diyos. Ipinapakita nito ang kahalagahan ng kalinisan ng puso sa pananampalataya.
Mukhang mahirap linisin ang ating puso dahil sa mga kasalanang nagmumula sa ating mga mata, salita, at kilos. Ang mga ito ay nagpapalabo sa ating kakayahang magpakita ng kalinisan sa harapan ng Diyos. Maging ang paanyaya sa Psalm 24:3-4, na magtungo sa burol ng Panginoon na may "matuwid na pamumuhay at malinis na puso," ay tila imposible. Ngunit, patuloy pa rin ang paanyaya ng Diyos na lumapit sa Kanya at makatagpo ng Kanyang paglilinis at pagpapabanal. Kaya’t ang tanong ay kaninong pananaw ang ating susundin? Ang pananaw ba natin na walang pag-asang lumapit sa Diyos dahil sa ating mga kasalanan, o ang pananaw ng Diyos na may pag-asa pa tayong mapatawad at magbago? Bagamat sa ating mga mata ay tila imposibleng magbago, sa pananaw ng Diyos ay may pag-asa pa tayo. Ang tunay na trabaho ng paglilinis ng puso ay hindi natin kaya. Kundi ang paglapit natin sa Diyos at pagtanggap sa Kanyang pagpapatawad. Nasaan ka na sa panawagan ng Diyos?
Lumapit ka sa Diyos ngayon. Hindi dahil karapat-dapat ka, kundi dahil Siya ang tanging makakapaglinis ng iyong puso. Tanggapin ang Kanyang panawagan at pagpapatawad. Huwag maghintay na maging perpekto, sapagkat tanging ang Kanyang biyaya ang makakapagpabanal sa iyo. Itapon ang maling pananaw na walang pag-asa — sa Diyos. May pag-asa kang magbago at maging malinis ayon sa kalooban at pamamaraan ng Diyos.
Panalangin:
Aking Diyos Ama, lumalapit ako sa Iyo, alam kong puno ako ng kasalanan at kahinaan. Patawarin Mo ako at linisin ang aking puso. Tulungan Mo akong makita ang pag-asa sa Iyong biyaya, at hindi ayon sa aming sariling kakayahan. Ipagkaloob Mo sa akin ang kalinisan at pagbabago ayon sa Iyong kalooban. Salamat, Panginoon, sa Iyong walang katapusang pag-ibig at pagpapatawad.
Sa pangalan ni Jesus, Amen.
Pagninilay:
Ano ang ibig sabihin ng magkaroon ng malinis na puso sa harapan ng Diyos?
Bakit mahalaga na lumapit tayo sa Diyos nang may pagpapakumbaba at pagsisisi?
Bakit kailangan natin ang paglilinis at pagpapagaling ni Lord?
Paano natin aktibong hahanapin ang pagpapatawad at pagbabago ng Diyos sa ating buhay ngayon?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions