November 8, 2024 | Thursday

UVCC Daily Devotion

The Be-Attitude • 3 of 9

The Be-Attitude #3: Ang Pagiging Maamo

Today's Verses:  Matthew 5:5 (FSV)

Pinagpala ang mga maamo, sapagkat mamanahin nila ang lupa.


Read Matthew 5

Nais mo bang makalaya sa stress sa pamamagitan ng pagiging maamo sa iyong sarili at sa iyong kapwa?


Sa Mateo 5, tinatalakay ni Jesus ang mga iba’t-ibang pagpapala para iba’t-ibang uri ng karanasan at kalalagayan ng mga tao. Binigyan diin din ni Jesus ang pagpapakumbaba sa verse 5. Sabi niya "Mapapalad ang mga maamo". Pinapakita ni Jesus ang Kanyang pagpapahalaga sa kababaang-loob. Ayon kay Jesus, ang pagpapala sa mga taong maamo ay ang magiging tagapagmana ng lupa.


Napakahalaga ng katangian ng pagiging maamo. Sino ba ang ayaw makasalamuha ang isang taong maamo? Nakakalma ang isipan kapag ang kausap mo ay maamo. Nakakawala ng stress at nakakapayapa ng damdamin. Galing ka man sa isang nakakapressure na buhay o usapan, kapag ang kausap mo ay maamo, higit pa sa aliw ang mararamdaman mo; nararamdaman mo ang presensiya ng Diyos sa iyong kapaligiran. Ang pagiging maamo ay nag-aambag sa pagpapalakas ng magandang relasyon at pagkakaunawaan sa lipunan. Si Jesus ang pinakamahusay na halimbawa ng pagiging maamo. Sabi Niya, "Ang aking pamatok ay inyong pasanin, at kayo'y matuto sa akin, sapagkat ako'y maamo" (Mateo 11:29). Bagamat si Jesus ay Hari ng mga hari, siya pa rin ay maamo. Sabi sa Biblia, “Pagmasdan mo, ang iyong Hari ay dumarating sa iyo, mapagpakumbaba [maamo]…” (Mateo 21:5). Si Jesus ay inilalarawan bilang mapagpakumbaba, banayad, at maamo. Hindi nakaka-stress si Jesus. At kung si Jesus ay nasa iyo, hindi ka gaanong apektado ng stress at hindi ka makakapagdulot ng stress sa iba.


Kaya kung ikaw ay nai-stress, dapat mas kilalanin mo ang tunay na Jesus. Baka mali ang nakilala mong Jesus o baka hindi sapat ang iyong pagkakakilala sa Kanya. Ang tunay na Jesus ay hindi mapusok, kundi maamo at mapagpakumbaba. Siya ay nagbibigay ng kapayapaan at pag-unawa – hindi pagkabahala. Kung mas lalo mong kikilalanin ang Kanyang karakter, matututunan mong magpatawad, magpakumbaba, magpatahimik ng iyong puso, maging masunurin, at matuwid. Sa ganitong paraan, magiging mas matagumpay ang pagharap mo sa mga pagsubok sa buhay.

Panalangin:

Aking Diyos Ama, salamat po sa inyong walang sawang pag-ibig at gabay. Nawa'y mapuno ang aming mga puso ng iyong kapayapaan at pagkamaamo. Tulungan Mo akong magpakumbaba at maging mapagpasensya sa bawat araw. Iligtas Mo ako mula sa mga stress at mga alalahanin. Hayaan Mo po na maranasan ko, ng akin pamilya, at ng church ang iyong Presensiya sa aming buhay. 

Sa pangalan ni Jesus, Amen.  

Pagninilay:

The Bible in 1 year: 1 Kings 17-18

 Written by: Gene Estrabon III

Read Previous Devotions