November 7, 2024 | Thursday
UVCC Daily Devotion
The Be-Attitude • 2 of 9
The Be-Attitude #2: Ang Nagdadalamhati
Today's Verses: Matthew 5:4 (FSV)
Pinagpala ang mga nagdadalamhati, sapagkat sila ay aaliwin.
Read Matthew 5
Naniniwala ka ba na ang Diyos ay may kakayahang magbigay ng aliw anuman ang iyong pagdadalamhati?
Sa Mateo 5, na bahagi ng Sermon on the Mount, binanggit ni Jesus ang mga pagpapala ng mga may mababang loob, may malasakit, at may tapat na puso, at iba pa. Binanggit din Niya ang mga nagluluksa, na mga pinagpapala sa gitna ng kanilang paghihirap. Sinabi ito ni Jesus nong panahon nasasakupan ng mga Romano ang mga Israelita sa buong Judea at Samaria.
Ang pagdadalamhati ay hindi kaaya-ayang karanasan, ngunit sinabi ng Biblia, "pinagpala ang mga nagdadalamhati," at si Jesus pa ang nagwika nito. Ang "nagdadalamhati" ay mga taong nagluluksa dahil sa mga pagsubok sa buhay—maaaring ito ay dahil sa pagkamatay ng mahal sa buhay, matinding problema, o bunga ng kasalanan. Ang mga ito ay mga pinagdadaanan na hindi kayang balewalain, ngunit ipinapangako ng Diyos ang Kanyang kaaliwan. Anuman ang sanhi ng pagdadalamhati—kung hindi sinasadya o dulot ng kasalanan—ang Diyos ay may kakayahang magbigay ng aliw at pag-asa. Kaya’t ang tanong ay: Anong pinagdadaanan mo ngayon na maaari kang katagpuin ng Diyos at Kanyang paginhawahin? Sa kabila ng lahat ng paghihirap, ang Diyos ay laging handang magbigay ng lakas at aliw sa mga nagdadalamhati.
Kung ikaw ay nagdadalamhati, lumapit kay Jesus at yakapin ang Kanyang pangako ng kaaliwan. Huwag mag-atubiling humingi ng tawad at tulong. Anuman ang pinagdadaanan mo—kasalanan man o hindi ang Diyos ay may kakayahang magbigay ng lakas at aliw sa gitna ng iyong mga pagsubok. Tanggapin ang Kanyang pag-ibig at pag-asa, at magtiwala na Siya ay laging naroroon upang magpaginhawa at magtaguyod sa iyo. Huwag mong hayaang magtagal ang pasakit sa iyong kalooban. Maging puno ka ng pag-asa laban sa anumang pagdadalamhati at tayo'y lumapit sa Diyos.
Panalangin:
Aking Diyos Ama, lumalapit ako sa Iyo ngayon. Humihingi ako ng tawad sa aking mga kasalanan. Ako’y nagpapakumbaba sa Iyong harapan. Salamat sa Iyong pag-ibig at kaaliwan. Tinatanggap ko ang Iyong kapatawaran at biyaya. Ibinubukas ko ang aking puso sa Iyo. Turuan mo akong magtiwala sa Iyo. Palakasin Mo ako. Bigyan ako ng pag-asa sa gitna ng aking mga pagsubok. Nais kong sumunod sa Iyo, at magtiwala sa Iyong pag-aaruga.
Sa pangalan ni Jesus, Amen.
Pagninilay:
Ano ang pinagdadaanan mo ngayon? Ibahagi.
Bakit madalas ay mahirap hayaan ang Diyos na magbigay ng kaaliwan sa iyo?
Paano ka magtiwala sa Diyos sa gitna ng iyong paghihirap?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions