November 9, 2024 | Saturday

UVCC Daily Devotion

The Be-Attitude • 4 of 9

The Be-Attitude #4: Nagugutom At Nauuhaw Sa Katuwiran

Today's Verses:  Matthew 5:6 (FSV)

Pinagpala ang mga nagugutom at nauuhaw sa katuwiran, sapagkat sila'y bibigyang-kasiyahan.


Read Matthew 5

May pagnanais ka bang maging matuwid at magtaglay ng katuwiran ayon sa kalooban ng Diyos?


Sa Mateo 5, tinuturo ni Jesus ang mga pagpapala para sa mga may mabuting puso at mga sumusunod sa kalooban ng Diyos. Sa talata 6, binibigyang-diin Niya ang pagpapala para sa mga nagugutom at nauuhaw sa katuwiran. Ibig sabihin ni Jesus, ang mga nagnanais ng kabutihan at katarungan ay tutugunan ng katuwiran. Sinasabi ni Jesus na sila’y pagpapalain dahil kakatagpuin sila ng kanilang pananabik sa Diyos.


Hindi madalas pag-usapan ang katuwiran sa kasalukuyang panahon, lalo na kung mas sikat ang mga paksang tulad ng "financial blessings," "love yourself," at "prosperity gospel." Minsan, sa halip na bigyan pansin ang pagiging matuwid sa harapan ng Diyos, ang mga usapin tulad ng "cheap grace" at "validate my emotions" ang mas mahalaga. Sa kabila ng lahat ng ito, ang tunay na pagkauhaw at pagkagutom sa katuwiran ng Diyos ay isang malalim at seryosong usapin. Binigyan diin ni Jesus na ang mga nagugutom at nauuhaw sa katuwiran ay pagpapalain. Hindi ito simpleng pagnanasa, kundi isang matinding pangangailangan ng kaluluwa na tumugon sa kalooban ng Diyos. Ang mga Kristiyano ay tinawag na maghangad ng kabanalan at katarungan higit sa lahat ng bagay. Kaya't malaki ang hamon sa mga lider ng simbahan at sa bawat mananampalataya kung paano ipahayag at isabuhay ang pananabik na ito sa harap ng mga makamundong pagpapahalaga.


Huwag magpalinlang sa mga makamundong ideya na nagtatampok ng materyal na tagumpay at pansamantalang kasiyahan. Itaguyod mo ang pagkauhaw at pagkagutom sa katuwiran ng Diyos. Pumili kang maghanap ng kabanalan at magtaguyod ng tamang pamumuhay ayon sa kalooban ng Diyos. Ang pagiging matuwid sa Kanyang mata ay higit na mahalaga kaysa anumang pansariling tagumpay. Bilang isang Kristiyano, magpursige ka sa pagiging tapat at matuwid sa Kanya, anuman ang sinasabi ng mundo.

Panalangin:

Aking Diyos Ama, patawarin Mo ako sa mga pagkakataong inuuna ko ang makamundong tagumpay kaysa ang pagsunod sa Iyong katuwiran. Bigyan Mo ako ng pagnanais na magtaglay ng kabanalan at magpasakop sa mga lider ng simbahan. Nawa’y maging masunurin ako sa Iyong Salita at tapat sa Iyong kalooban. 

Sa pangalan ni Jesus, Amen.  

Pagninilay:

The Bible in 1 year: 1 Kings 19-20

 Written by: Gene Estrabon III

Read Previous Devotions