October 22, 2024 | Tuesday

UVCC Daily Devotion

On the Book of Psalms

Ang Pag-Iingat Ng Diyos

Today's Verses: Psalm 17:6–7 (ASND)

6O Dios sa inyo akoʼy dumadalangin, dahil alam kong akoʼy inyong diringgin. Pakinggan nʼyo po ang aking mga hiling. 7Ipakita nʼyo ang inyong pag-ibig sa pamamagitan ng inyong kahanga-hangang gawa. Alam ko, sa inyong kapangyarihan, inyong inililigtas ang mga taong nanganganlong sa inyo mula sa kanilang mga kaaway. 


Read Psalm 17

May mga pagkakataon bang nararamdaman mong may Diyos na nagmamasid sa iyo, nakikinig sa iyong mga saloobin, at nag-iingat sa iyong kaligtasan?


Ang Psalm 17, na isinulat ni David, ay isang panalangin para sa katarungan at proteksyon. Humihiling siya sa Diyos na pahalagahan ang kanyang katuwiran at ipakita ang Kanyang pagkilos laban sa mga kaaway. Binibigyang-diin ni David ang kanyang tapat na puso at tiwala sa Diyos, umaasang siya ay mapapangalagaan at magiging ligtas sa Kanyang mga kamay.


Bilang mga tao, natural sa atin ang pagnanais na maging ligtas, kaya nag-iingat tayo sa lahat ng ating ginagawa. May mga tao tayong pinagkakatiwalaan para sa ating kaligtasan, maging ito man ay pisikal o emosyonal. Mahalaga ang mga taong ito dahil sila ang nagtuturo at nagpapaalala sa atin upang hindi mapahamak. Concerned ang Diyos sa ating kaligtasan. Ngunit may mga pagkakataong nararamdaman natin na hindi tayo ligtas na nagdudulot ng pag-aalala, galit, o labis na kalungkutan. Sa mga sitwasyong ito, mahalagang tandaan na ang ating emosyon ay hindi matibay na batayan. Ang tunay na pundasyon ng ating kaligtasan at ng katotohanan ay ang Salita ng Diyos. Nasa Biblia ang mga katotohanan at pangako ng Diyos na nagbibigay ng katiyakan sa Kanyang pag-iingat. Tiyak ang pag-iingat ng Diyos sa atin, lalo na sa mga anak Niyang sumusunod sa Kanyang kalooban.


Mag-ingat at maging mapanuri sa lahat ng iyong ginagawa. Pahalagahan ang mga taong pinagkakatiwalaan mo para sa iyong kaligtasan, dahil sila ang nagtuturo at nagpapaalala sa iyo. Kapag nakakaramdam ka ng takot o kawalang-katiyakan, balikan ang Salita ng Diyos. Basahin ang Biblia upang makilala ang Kanyang mga pangako at katotohanan. Magtiwala sa Kanyang pag-iingat, lalo na kung ikaw ay sumusunod sa Kanyang kalooban. Ipagkatiwala ang iyong kaligtasan sa Diyos at huwag hayaang ang emosyon ang mangibabaw.

Panalangin:

Aking Diyos Ama, salamat sa Iyong pag-iingat at pagmamahal. Tulungan Mo akong magtiwala sa Iyo sa lahat ng pagkakataon, kahit na may takot o kawalang-katiyakan. Ipagkatiwala ko ang aking kaligtasan sa Iyo at patnubayan Mo ako sa aking mga desisyon. Bigyan Mo ako ng lakas at kapayapaan.

Sa pangalan ni Jesus, Amen.  

Pagninilay:

The Bible in 1 year: 2 Samuel 23-24

 Written by: Gene Estrabon III

Read Previous Devotions