October 17, 2024 | Thursday

UVCC Daily Devotion

On the Book of Psalms

Ang Pangakong Paghilom At Pagbabago Ng Diyos

Today's Verses:  Psalm 147:2–3  (ASND)

2Itinatayong muli ng Panginoon ang Jerusalem, at muli niyang tinitipon ang mga nabihag na Israelita. 3Pinagagaling niya ang mga pusong nabigo, at ginagamot ang kanilang mga sugat.


Read Psalm 147

Bibigyan mo ba ng pagkakataon ang Diyos na paghilumin ang iyong mga hirap at mga pasakit?


Sa Psalm 147, na isinulat ni David, ipinagdiriwang ang kadakilaan at malasakit ng Diyos sa Kanyang nilikha — lalo na sa Israel. Si David ay ang humahanga sa paraan ng pagpapagaling ng Diyos sa mga sugatang puso. Hanga din siya sa kakayahan ng Diyos na bilangin ang mga bituin. Alam ni David na gaano man kaliit ang tao, nagbibigay pa rin ang Diyos ng pag-asa, ng ginhawa, at sa pag-alam na palagi nariyan ang Diyos para pinapangalagaan ang Kanyang bayang Israel.


Bilang tao, lahat tayo ay may kanya-kanyang hirap at pasakit sa buhay. Kasama na rito ang ating mga hugot. Sa tingin ko, wala sa atin ang ‘exempted’ dito. Nagkakasala at nagkakamali tayo. Ganoon din ang ibang tao ito man ay sinasadya o hindi sinasadya. Dahil sa mga pagkakamaling ito, nasasaktan natin ang ating sarili at magin ang mga mahal natin sa buhay. Nais ng Diyos na pagalingin ang ating mga hirap at pasakit. Kayang-kaya Niya ito. Ngunit ang tanong ay: may kamalayan ba tayo sa ating pinagdadaanan? Inaamin ba natin na ang ating mga hirap ay nagdudulot ng negatibong reaksyon, sa salita man o sa gawa? Mahalaga ang pagkilala sa ating mga pinagdadaanan upang makahanap ng tunay na paghilom at pagbabago. Sa ganitong paraan, maaring simulan ang mas makabuluhang relasyon sa ating sarili at sa Diyos.


Kilalanin mo ang iyong mga hirap at pasakit. Huwag kang matakot na aminin ang iyong mga pagkakamali at ang sakit na dulot nito, hindi lamang sa iyong sarili kundi pati na rin sa iba. Tandaan, ang paghingi ng tawad ay hindi pagpapababa sa sarili. Isaalang-alang ang pagkuha ng counseling upang matulungan kang iproseso ang iyong mga emosyon. Buksan mo ang iyong puso sa Diyos at hayaan Siyang pagalingin ka. Sa pagkilala o pagtukoy sa iyong mga hamon, makakahanap ka ng tunay na pagbabago.

Panalangin:

Aking Diyos Ama, salamat sa Iyong walang hanggang pagmamahal. Tulungan Mo akong kilalanin ang aking mga hirap at pagkakamali. Bigyan Mo ako ng lakas na humingi ng tawad at buksan ang aking puso sa Iyong paghilom at pagbabago.

Sa pangalan ni Jesus, Amen.  

Pagninilay:

The Bible in 1 year: 2 Samuel 17-18

 Written by: Gene Estrabon III

Read Previous Devotions