October 16, 2024 | Wednesday
UVCC Daily Devotion
On the Book of Psalms
Mapalad Dahil Sa Panginoon
Today's Verses: Psalm 145:3–4 (ASND)
5Mapalad ang tao na ang tulong ay nagmumula sa Dios ni Jacob, na ang kanyang pag-asa ay sa Panginoon na kanyang Dios, 6na siyang gumawa ng langit at lupa, ng dagat at ang lahat ng narito. Mananatiling tapat ang Panginoon magpakailanman.
Read Psalm 146
Ikaw ba ay mapalad sa pag-asa at tulong na nagmumula sa Diyos?
Ang Psalm 146 na isinulat ni David ay nagtatampok ng papuri sa Diyos bilang tangi niyang pag-asa. Binibigyang-diin ni Haring David ang kabutihan ng Diyos sa mga api, ulila, at nagugutom. Ipinapakita niya na ang pagtitiwala sa mga tao ay walang kabuluhan. Habang ang Diyos ay nagbibigay ng tunay na tulong at kaligtasan sa lahat ng nangangailangan.
May handog ang Diyos sa atin na tunay na pagiging mapalad. Siya ang lumikha ng langit at lupa at may kapangyarihang Siyang pagpalain tayo anuman ang sitwasyon. Sa panahon na ang stress, sakit, lungkot, o depresyon ay nagdadala ng bigat sa ating puso, parang mas madaling mawalan ng pananampalataya at magduda sa kakayahan ng Diyos na tayo ay abutin at kalingain. Tugon natin minsan ay maging abala sa sariling diskarte upang maka-survive. Ngunit alalahanin natin, ang Diyos ay hindi naliligaw ng landas. Willing Siya na tayo’y yakapin at tutulungan Niya tayong buksan ang ating puso para sa Kanya. May pag-asa at pag-ibig na nagmumula sa Diyos. Sa Diyos matatagpuan ang tunay na lakas at kapayapaan. May matiyagang panawagan sa atin na magpatuloy at huwag mawalan ng pag-asa at pananampalataya.
Tanggapin ang yakap ng Diyos at buksan ang iyong puso sa Kanyang pag-ibig. Magtiwala sa kapangyarihan ng Diyos na pagpalain ka NIya kahit sa gitna ng mga problema. Pahalagahan ang pag-asa na nagmumula sa Kanya at iwasan ang pagdududa. Huwag mawalan ng pananampalataya o magpa-apekto sa stress o sa lungkot. Alalahanin ang Diyos. Magfocus sa Diyos. Iwasan ang umaasa lamang sa sariling diskarte. Ipagkatiwala ang iyong mga alalahanin sa Diyos dahil Siya ay laging nandyan upang gabayan ka.
Panalangin:
Aking Diyos Ama, salamat sa iyong walang hanggan at mapagpalang pag-ibig. Sa gitna ng aming mga pagsubok, tulungan mo kaming manatiling matatag at puno ng pag-asa. Buksan ang aming mga puso sa Iyong yakap. Bigyan Mo kami ng lakas upang patuloy na magtiwala sa Iyo.
Sa pangalan ni Jesus, Amen.
Pagninilay:
Ano ang ibig sabihin ng tunay na pagtanggap sa mga biyaya at pagmamahal na inaalok ng Diyos sa ating buhay?
Bakit mahalaga na mapanatili ang pananampalataya at pag-asa sa Diyos?
Paano natin aktibong mabubuksan ang ating mga puso sa presensya ng Diyos kahit sa mga mahihirap na sitwasyon?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions