October 14, 2024 | Monday
UVCC Daily Devotion
On the Book of Psalms
Nagmamalasakit Ang Diyos
Today's Verses: Psalm 144:3–4 (ASND)
3Panginoon, ano ba ang tao para pagmalasakitan nʼyo? Tao lang naman siya, bakit nʼyo siya iniisip? 4Ang tulad niyaʼy simoy ng hanging dumadaan, at ang kanyang mga araw ay parang anino na mabilis mawala.
Read Psalm 144
Nagtatanong ka ba kung kulang ang malasakit na natatanggap mo?
Ang Psalm 144 na isinulat ni David ay isang panalangin ng pasasalamat at pagtawag sa Diyos bilang tagapagtanggol at tagapagligtas. Ipinapahayag ni David ang kanyang pag-asa sa mga biyayang mula sa Diyos at ang pagnanais para sa kapayapaan at kasaganaan sa kanyang bayan, na puno ng malasakit. Tinatampok nito ang lakas ng Diyos at ang Kanyang kapangyarihan.
May malasakit ang Diyos sa mga nilikha Niyang tao. Ang Kanyang kapangyarihan ay nagtataguyod ng pagmamalasakit na ito. Sa kabila ng mga paghihirap at pagdududa na dulot ng mga problema at pagdurusa sa mundo, ang mga tanong tungkol sa Kanyang pagiging ‘caring’ ay pangkaraniwan. Maraming tao ang nagtatanong: kung totoo ang Diyos, bakit may pagdurusa? Ngunit kahit may mga pag-aalinlangan, hindi pa rin maikakaila ang kabutihan ng Diyos. Ang Diyos ay puno ng pag-ibig at malasakit. Ang kasamaan at kasalanan sa mundo, na nagdudulot ng sakit at pagdurusa, ay bunga ng ating sariling mga pagpili o ‘human free will’. Hindi ito nagmumula sa Diyos. Sa kabila ng lahat ng ito, patuloy na nagmamalasakit ang Diyos sa atin. Nariyan Siya sa ating mga pagsubok, handang tumulong at umalalay. Siya’y nagpapaalala na ang Kanyang pagmamahal ay laging nariyan, kahit na sa gitna ng mga unos ng buhay.
Tanggapin ang malasakit ng Diyos sa iyong buhay. Sa gitna ng mga pagsubok at pagdududa, alalahanin na Siya’y nariyan na handang umalalay at magbigay ng lakas. Sa kabila ng mga paghihirap, humingi ng tulong para ituwid ang iyong pananaw. Totoo pa rin na ng kasamaan sa paligid ay bunga ng ating sariling pagpili. Kaya't yakapin ang pag-ibig at malasakit ni Jesus. Huwag matakot maghanap ng liwanag sa dilim. Si Jesus ay laging nandyan upang gabayan ka. Tumayo at magtiwala!
Panalangin:
Aking Diyos Ama, patawarin Mo ako sa aking mga pagkakamali. Tinatanggap ko ang Iyong malasakit at pagmamahal. Isinusuko ko ang aking mga alalahanin at ako’y nagtatapat ako sa Iyo. Nawa'y bigyan Mo ako ng lakas at gabay habang ako’y naglalakbay sa buhay.
Sa pangalan ni Jesus, Amen.
Pagninilay:
Bakit patuloy ang pagdurusa sa mundo kung sinasabi ng Diyos na Siya'y may malasakit?
Ano ang mga paraan upang makaramdam ng malasakit ng Diyos sa iyong buhay sa gitna ng mga pagsubok?
Paano mo maitatama ang aking pananaw at makakahanap ng liwanag sa gitna ng mga hamon?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions