October 9, 2024 | Wednesday
UVCC Daily Devotion
On the Book of Psalms
Kapag Nawawalan Ng Pag-Asa
Today's Verses: Psalm 142:1-2 (ASND)
1Tumawag ako nang malakas sa inyo, Panginoon. Nananalangin ako na kaawaan nʼyo ako. 2Sinasabi ko sa inyo ang aking mga hinaing at mga suliranin.
Read Psalm 142
May napagsasabihan ka ba ng iyong mga problema at hinaing sa buhay?
Sa Psalm 142, na isinulat ni David, kanyang inilarawan ang mga pagdurusa at kalungkutan na kanyang dinaranas. Naranasan niya bago siya naging hari ang halos mawalan ng pag-asa. Nang pag-initan siya ni Haring Saul dahil sa mga hindi mabuting dahilan ay kinailangan ni David na magtago sa mga kuweba ng Israel. Siya ay tumawag sa Diyos para sa tulong, nagsasalaysay ng kanyang mga problema at pangamba. Sa kabila ng mga pagsubok, ipinakita niya ang kanyang tiwala na ang Diyos ay makikinig at magbibigay ng kaligtasan at proteksyon laban sa mga kaaway.
Hindi binabalewala ng Panginoon ang iyong pagdaing, lalo na kapag nawawalan ka ng pag-asa. Ang mga dinaranas mong problema ay pansin Niya—bilang Kanyang anak, nariyan Siya sa paligid, nakamasid at nag-aantay na kilalanin Siya sa iyong mga pagsubok. Sa mga pinakamababang punto ng iyong buhay, hindi ka Niya pababayaan; may malasakit Siya kahit sa iyong pag-iisa. Kahit na sa mga sandaling halos mawalan ka ng pag-asa, dito mo mas mapapatunayan ang Kanyang katapatan at galaw. Tulad ni David, na hindi nawalan ng pag-asa sa kabila ng kanyang mga pagdurusa, alalahanin mong ang Diyos ay palaging nandiyan para sa iyo. Sa bawat laban, ramdam mo ang Kanyang presensya, nagbibigay ng lakas at pag-asa, nagpapaalala na sa Kanya, walang problemang hindi mo kayang malampasan. Patuloy lang sa pananampalataya!
Lumapit sa Panginoon at manalangin kahit na tila nawawalan na ng pag-asa. Matutunan natin ang halaga ng pananatili at pananahimik sa Kanyang presensya. Ibigay ang iyong mga suliranin sa Diyos. Pangalanan ang iyong mga pasanin. Maraming laban ang bumabalot sa ating puso’t isipan ngunit may pagkakataon tayong magtagumpay dahils sa kapangyarihan ng Diyos. Mahalaga ang pagbubukas ng ating puso sa Diyos. Magpakumbaba sa Diyos at ituon ang ating pansin sa Kanya. Magsimula ng may bagong pag-asa sa bawat araw.
Panalangin:
Aking Diyos Ama at Panginoon, salamat sa Iyong pagmamahal at pagkalinga. Sa mga pagkakataong ako’y nawawalan ng pag-asa, tulungan Mo akong maramdaman ang Iyong presensya. Bigyan Mo ako ng lakas at tapang upang harapin ang mga pagsubok. Patuloy akong humahawak sa Iyong mga pangako. Amen.
In Jesus’ Name, Amen.
Pagninilay:
Sapat ba ang pananampalataya mo sa Diyos upang ikaw ay magtiwala sa Kanya?
Ano ang pinanggagalingan at mga dahilan ng mga taong nawawalan na ng pag-asa?
Paano mo sinasabi ang iyong problema o hinaing sa ibang tao?
Paano mo mahahanap ang lakas at pag-asa sa panahon na may problema?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions