October 1, 2024 | Tuesday
UVCC Daily Devotion
On the Book of Psalms
Siyasatin Ako Ng Diyos
Today's Verses: Psalm 139:23-24 (ASND)
23 O Dios, siyasatin nʼyo ako, upang malaman nʼyo ang nasa puso ko. Subukin nʼyo ako, at alamin ang aking mga iniisip. 24 Tingnan nʼyo kung ako ay may masamang pag-uugali, at patnubayan nʼyo ako sa daang dapat kong tahakin magpakailanman.
Read Psalm 139
Willing ka ba na magpasiyasat sa Diyos?
Sa Psalm 139, ipinahayag ni David ang pag-alam at pagkakaroon ng Diyos sa bawat bahagi ng kanyang buhay. Sinabi niyang alam ng Diyos ang kanyang mga iniisip at ginagawa, kahit sa mga lihim na bahagi. Binibigyang-diin nito ang walang hanggan at malalim na pagkakakilala ng Diyos sa tao, at ang kahalagahan ng pagkakaroon ng relasyon sa Kanya.
Ang pagsisiyasat ng Diyos sa atin ay isang mahalagang gawain. Dapat nating maunawaan na walang bagay ang nakatago sa Kanya. Kilala tayo ng Panginoon sa ating mga pinagdadaanan at iniisip. Bilang makabagong mananampalataya at tagasunod ni Jesu-Kristo, mahalaga itong paalala na ang Diyos ay palaging nandiyan at handang makinig at umunawa sa ating mga karanasan. Ang kaalaman na ang bawat bahagi ng ating buhay ay alam Niya ay nagbibigay ng kapanatagan at lakas sa atin. Tinatawag tayong magtiwala sa Kanyang plano. Kahit sa gitna ng mga pagsubok, may mahalagang layunin ang Kanyang pagsisiyasat. Hinihimok tayong ipasuri ang ating mga puso at isip sa Diyos (vv.24-26), upang matukoy ang mga maling landas at yakapin ang mga patnubay ng Diyos na nagdadala sa atin sa tunay na kapayapaan at pagpapakumbaba sa Diyos.
May tatlong hakbang tayong dapat isagawa upang yakapin ang pagsisiyasat ng Diyos. Una, ipasiyasat ang iyong puso at isip at huwag takasan ang mga kahinaan o pagkakamali; harapin ito nang may pagpapakumbaba. Pangalawa, lumapit sa Diyos sa taimtim na panalangin at pagbabasa ng Salita. Humingi ng Kanyang gabay. Pangatlo, magtiwala sa Kanyang pagmamahal at presensya. Alamin na Siya’y nandiyan upang bigyan ka ng kapanatagan sa mga pagsubok. Sa mga hakbang na ito, palalimin ang iyong relasyon sa Diyos at patatagin ang iyong pananampalataya. Huwag mag-atubiling lumapit kay Jesus; Siya ang iyong liwanag sa dilim.
Panalangin:
O Diyos, aking Ama, salamat sa iyong walang hanggang kaalaman at pagmamahal. Tulungan Mo akong ipasuri sa iyo ang aking puso at isip. Bigyan mo ako ng lakas na harapin ang aking nga pagsubok at isuko sa iyo ang aking mga kasalanan. Gabayan Mo ako sa bawat hakbang. Sa pangalan ni Jesus, Amen.
Pagninilay:
Ano sa aking buhay ang dapat ipasuri ko sa Diyos?
Bakit mahalaga ang paglapit sa Diyos sa pamamagitan ng panalangin?
Paano natin mapapaunlad ang ating relasyon sa Diyos sa gitna ng mga pagsubok at kahinaan?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions