September 27, 2024 | Friday
UVCC Daily Devotion
On the Book of Psalms
Ang Magpasalamat At Lumuhod Sa Diyos
Today's Verses: Psalm 138:1-3 (ASND)
1Panginoon, magpapasalamat ako sa inyo nang buong puso. Aawit ako ng mga papuri sa inyo sa harap ng mga dios. 2Luluhod ako na nakaharap sa inyong templo at magpupuri sa inyo dahil sa inyong pag-ibig at katapatan. Dahil ipinakita nʼyo na kayo at ang inyong mga salita ay dakila sa lahat. 3Nang tumawag ako sa inyo sinagot nʼyo ako. Pinalakas nʼyo ako sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan.
Read Psalm 138
Naaalala mo pa ba ang pakiramdam ng magkaroon ng answered prayer mula sa Diyos?
Ang Awit 138, na isinulat ni David, ay isang makapangyarihang pahayag ng pasasalamat at pagsamba sa Diyos. Dito, pinupuri niya ang kabutihan ng Diyos, ang Kanyang katapatan sa mga pangako, at ang pag-angat ng kanyang espiritu sa gitna ng mga pagsubok. Binibigyang-diin ni David ang mahalagang papel ng Diyos sa kanyang buhay at tiwala sa Kanyang mga plano.
Ang magpasalamat at lumuhod sa Diyos ay malalim na pagkilala natin sa pag-ibig at katapatan ng Diyos. Ito ay higit pa sa ating pananalita. Ito ay may kasamang emosyon at pagpapakumbaba. Bilang mga mananampalataya, ang pagnanasa na manahan at manatili sa presensya ng Diyos ay isang hamon, lalo na sa gitna ng ating mga kaabalahan. Sanay tayong maging abala. Madalas ay hindi natin namamalayan ang ating pinagkakaabalahan. Ang panawagang manahan at manatili ay nariyan upang tayo maglaan ng oras sa Diyos. Ang pasasalamat at panalangin ay hindi lamang tungkulin, kundi nagbibigay ng lakas at kapayapaan sa ating araw-araw na buhay. Sa mga pagkakataong tayo ay pinanghihinaan ng loob, ang pagpasok sa presensya ng Diyos ay nagdadala ng liwanag at pag-asa. Kaya't ating ipagpatuloy ang paglapit sa Kanya, sa pamamagitan ng pagpapasalamat at panalangin, upang mapalakas ang ating espiritu at pananampalataya. Antabayanan mo ang Kanyang pagkakaloob ng kalakasan.
Maglaan ka ng oras kasama ang Diyos. Ang Kanyang pag-ibig at katapatan ay tunay at higit na mahalaga. Ang iyong pagpapasalamat at panalangin ay higit pa sa isang tungkulin. Ito ang iyong lakas at kapayapaan sa bawat araw. May kaabalahan man, gawing pangunahin pa rin manahan at manatili sa presensya ng Diyos. Alamin mong ang paglapit sa Kanya ay nagdadala ng liwanag at pag-asa. Magpatuloy. Magpasalamat. Lumuhod sa Panginoon. Tayo ay magpasalamat at lumuhod sa Panginoon.
Panalangin:
Aking Ama, O Diyos, salamat sa Iyong pag-ibig at katapatan. Sa kabila ng aking mga kaabalahan, tulungan Mo akong maglaan ng oras sa Iyo. Hiling ko ang Iyong lakas at kapayapaan. Nawa’y manatili akong nakatuon sa Iyong presensya.
Sa pangalan ni Jesus, Amen.
Pagninilay:
Ano ang magpasalamat at lumuhod sa Diyos?
Bakit mahalaga ang manahan at manatili sa presensya ng Diyos?
Paano ang manahan at manatili sa presensya ng Diyos sa kabila ng ating mga kaabalahan?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions