October 15, 2024 | Tuesday

UVCC Daily Devotion

On the Book of Psalms

Ipahayag Ng Salinlahi Ang Kadakilaan Ng Diyos

Today's Verses:  Psalm 145:3–4  (ASND)

3Panginoon, kayoʼy makapangyarihan at karapat-dapat na purihin. Ang inyong kadakilaan ay hindi kayang unawain. 4Ang bawat salinlahi ay magsasabi sa susunod na salinlahi ng tungkol sa inyong makapangyarihang gawa.


Read Psalm 145

Kung tanaw sa Sangnilikha ang kadakilaan ng Diyos, naipapahayag ba ito ng mga salinlahi?


Sa Psalm 145, isinulat ni David, pinuri ang kadakilaan at kabutihan ng Diyos. Inilalarawan ang Kanyang mga gawa, pag-ibig, at pagkakalinga, na nagbibigay ng pagkain at kaligtasan. Tinatampok ni David ang nararapat na pagsamba at papuri sa Diyos ng bawat salinlahi.


May limang generasyon na bahagi ang sinuman sa atin ngayon: Ang Baby Boomers (1946-1964), Generation X (1965-1980), Millennials (1981-1996), Generation Z (1997-2012), at Generation Alpha (2013 at pataas). Bawat salinlahi ay may kanya-kanyang pananaw tungkol sa Diyos. Bagaman may mga pagkakapareho, tiyak na may mga pagkakaiba rin. Nakasalalay ang mga pananaw na ito tungkol sa Diyos base sa ating mga karanasan at pagpapalaki. Sa kabila ng mga pagkakaibang ito, patuloy na nagpapakilala ang Diyos sa atin. Sa ating buhay, ang Diyos ay masigasig na nagtatanim ng mga palatandaan, mga pangyayari, at mga tao upang mapansin natin Siya. Ang Diyos ay nanawagan sa atin at ibinigay Niya na rin ang Biblia, ang Kanyang Salita. Para sa mga mananampalataya kay Jesus, nariyan ang Banal na Espiritu na patuloy na nangungusap at nagtuturo sa atin araw-araw. Ang Diyos Ama ay buong tapat din na nagkakaloob ng Kanyang biyaya sa atin. Napansin mo na ba ang Diyos sa tamang paraan? Itutuloy-tuloy mo na ang daily devotions mo faithfully para mas makilala mo Siya at maihayag mo Siya sa iba.


Maging mapanuri! Gawin ang iyong daily devotions upang mas makilala mo ang Diyos. Maglaan ng oras para sa Biblia, panalangin, at pagninilay-nilay. Ibahagi ang iyong karanasan sa iba. Maging inspirasyon sa pamilya at komunidad. Tumulong sa misyon ng simbahan para abutin ang mga tao at mabahaginan ng Salita. Ipakita ang iyong pananampalataya sa gawa at huwag mag-atubiling tumawag sa Diyos. Maging mga salinlahi tayo na nagpapahayag ng kadakilaan ng Diyos. Kumilos at makibahagi. Ngayon na ang tamang panahon!

Panalangin:

Aking Diyos Ama, salamat sa Iyong patuloy na pagpapakilala sa amin. Buksan Mo ang aming mga puso at isipan upang mas makilala Ka namin. Tulungan Mo kaming maging inspirasyon sa iba. Nawa ay maipahayag Ka sa aming mga salita at mga gawa. 

Sa pangalan ni Jesus, Amen. 

Pagninilay:

The Bible in 1 year: 2 Samuel 13-14

 Written by: Gene Estrabon III

Read Previous Devotions