October 24, 2024 | Thursday
UVCC Daily Devotion
On the Book of Psalms
Maraming Dahilan Para Purihin Ang Diyos
Today's Verses: Psalm 150:1-2 (ASND)
1Purihin ang Panginoon! Purihin ninyo ang Dios sa kanyang templo. Purihin nʼyo siya sa langit, ang kanyang matibay na tirahan. 2Purihin nʼyo siya dahil sa kanyang dakilang mga ginagawa. Purihin nʼyo siya dahil sa kanyang kapangyarihang walang kapantay.
Read Psalm 150
Kumbinsido ka bang mahalaga ang araw-araw na pagpupuri sa Diyos?
Ang Awit 150 ay isinulat ni Haring David, na kilala sa kanyang malalim na pananampalataya at pagmamahal sa Diyos. Sa awiting ito, hinihimok niya ang lahat na purihin ang Diyos sa lahat ng pagkakataon at gamit ang iba't ibang instrumento. Binibigyang-diin niya ang dakilang kapangyarihan at kabutihan ng Diyos, na dapat kilalanin at ipagdiwang ng bawat nilalang.
Marami tayong dahilan kung bakit napakahalaga na purihin ang Diyos. Kung susuriin natin ang mga magagandang bagay sa ating buhay—mula sa mga hindi inaasahang oportunidad hanggang sa mga biyayang tila hindi natin karapat-dapat—madalas tayong mapuno ng pasasalamat sa Kanya. Ang bawat tagumpay, kalusugan, at ang mga taong sumusuporta sa atin ay patunay ng kabutihan at pagmamahal ng Panginoong Jesus. Tuwing Linggo, ang ating pagsamba ay hindi lamang pagkakataon upang magtipon, kundi isang pagkakataon ding maramdaman ang Kanyang biyaya. Sa mga pagkakataong hindi natin pinupuri ang Diyos, nalalampasan natin ang mga pagkakataong maranasan ang Kanyang pagmamahal at kapayapaan. Ang kakulangan sa ating pagpuri sa Diyos ay nagiging missed opportunity. hindi para sa Kanya kundi sa atin na nagsasabing tagasunod tayo ni Kristo. Nagiging dahilan ito upang hindi natin lubos na makuha ang Kanyang mga pagpapala. Ganunpaman, sa kabila ng mga hamon, laging nariyan ang Diyos upang yakapin tayo at gabayan sa ating landas.
Purihin ang Diyos araw-araw at ipahayag ang Kanyang kabutihan sa bawat pagkakataon. Maglaan ng oras tuwing Linggo para sumamba at makipag-ugnayan sa Kanya. Ilista ang mga biyayang natamo at ipagpasalamat ito sa Kanya. Huwag palampasin ang pagkakataon na ibahagi ang Kanyang pagmamahal sa iba, dahil sa bawat pagpuri, tayo’y tumatanggap ng Kanyang biyaya. Gawin itong bahagi ng iyong buhay; ipakita ang iyong pananampalataya sa pamamagitan ng mga gawa.
Panalangin:
Aking Diyos Ama, salamat sa bawat biyayang ibinibigay Mo sa amin. Tulungan Mo kaming maging mapagpasalamat at purihin Ka sa araw-araw. Buksan Mo ang aming mga mata sa mga oportunidad upang ipahayag ang Iyong papuri at kabanalan. Nawa’y patuloy Mo kaming yakapin at gabayan sa bawat hakbang ng aming buhay.
Sa pangalan ni Jesus, Amen.
Pagninilay:
Ano ang ibig sabihin ng pagpuri sa Diyos?
Bakit natin dapat purihin ang Diyos?
Paano tayo makakapagpuri sa Diyos ng nararapat?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions