August 2, 2024 | Friday
UVCC Daily Devotion
On the Book of Psalms
Pagpaparangal At Pagtitiwala Sa Tunay Na Diyos
Today's Verses: Psalm 115:1–2 (ASND)
1Panginoon, hindi kami ang dapat na parangalan, kundi kayo, dahil sa inyong pag-ibig at katapatan. 2Bakit kami kinukutya ng ibang bansa at sinasabi nilang, “Nasaan na ang inyong Dios?”
Read Psalm 115
Nais mo bang parangalan ang Diyos sa pamamagitan ng iyong pagtitiwala sa Panginoon?
Ang Psalm 115 ay naglalaman ng mensahe tungkol sa kapangyarihan ng Diyos at ang kawalang-kabuluhan ng mga diyus-diyosan. Sinasalamin nito ang katotohanan na ang Diyos ay nasa langit at Siya lamang ang may kapangyarihang gumawa ng Kanyang nais, habang ang mga diyus-diyosan, na gawa sa kamay ng tao, ay walang kakayahang kumilos o magsalita. Sa verses 1-2, ipinaliliwanag na ang lahat ng kaluwalhatian ay dapat ibigay sa Diyos at hindi sa mga tao o sa mga diyus-diyosan.
Ang Psalm 115 ay nagtuturo sa atin na magbigay ng tunay na pagpaparangal sa Diyos. Ang pagpaparangal sa Diyos ay nangangahulugang hindi pagtitiwala sa mga diyus-diyosan na gawa ng tao. Nakakalungkot, maraming tao ang idinaragdag lamang ang tunay na Diyos sa halera ng kanilang mga diyus-diyosan. Sa ating kulturang Pilipino, makikita ito sa mga rebulto na parang nakikiusap sa Diyos para sa atin sa halip na tayo’y direktang magtiwala sa Panginoon Jesus. Sa makabagong panahon, ang mga gadgets tulad ng cellphone ay nagiging diyus-diyosan. Sobra o higit sa normal na pansin at tiwala na ibinibigay natin sa mga ito. Ang katotohanan, anumang bagay, rebulto, o tao na binibigyan natin ng labis na pansin at tiwala, ay nagiging diyus-diyosan na. Kaya't ang tanong ngayon ay: “Kanino o sa ano mas nakatuon ang iyong pagpaparangal at pagtitiwala?”
Tayo ay tinatawagan ngayon na tunay na parangalan ang Diyos sa pamamagitan ng ating buhay. Ating ilagak ang ating tiwala sa Kanya, higit sa kinuman o sa anumang bagay. Ang pagpaparangal sa Diyos ay hindi lamang nakabase sa pagsasalita ng magagandang salita, kundi sa aktwal na pagtitiwala sa Kanyang kapangyarihan at kabutihan. Kasama ng pagpaparangal ang pasasalamat sa Kanyang mga biyaya at ang pagbibigay ng papuri sa Kanya. Ito ay tungkol sa pagpapakita ng tunay na paggalang at pagtanggap sa Diyos bilang sentro ng ating buhay.
Panalangin:
Aking Diyos Ama, tulungan Mo akong magbigay ng tunay na pagpaparangal sa Iyo. Ituwid Mo kami mula sa pagtitiwala sa mga diyus-diyosan o bagay na gawa ng tao tungo sa iyong pagka-Diyos. Buksan Mo ang aming mga mata upang ang Iyong pangalan lamang ang aming itataas. Nawa’y ang aming tiwala at pasasalamat ay nakatuon sa Iyo.
Sa pangalan ni Jesus, Amen.
Pagninilay:
Paano mo maiiwasan na ang mga bagay tulad ng rebulto o gadgets ay hindi maging diyus-diyosan sa iyong buhay?
Ano ang mga konkretong hakbang na maaari mong gawin upang magtuon ng higit na pagpaparangal at tiwala sa tunay na Diyos?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions