July 31, 2024 | Wednesday

UVCC Daily Devotion

On the Book of Psalms

Ang Kadakilaan At Pagkalinga Ng Diyos

Today's Verses: Psalm 113:5–7 (ASND)

5 Walang katulad ang Panginoon na ating Dios, na nakaupo sa kanyang trono sa itaas. 6 Yumuyuko siya upang tingnan ang kalangitan at ang sanlibutan. 7 Tinutulungan niya ang mga dukha at nangangailangan sa kanilang kagipitan.



Read Psalm 113

Sang-ayon ka ba sa pananaw na ang Diyos ay dakila, makapangyarihan, at nagmamalasakit sa mga dukha at nangangailangan?


Ang Awit 113 ay isang pag-awit ng buong pusong papuri sa Diyos na dakila sa lahat. Binibigyang-diin dito ang kadakilaan at kapangyarihan ng Diyos na si Yahweh na higit sa lahat ng diyos. Ang Diyos ay nagtataguyod sa mga mahihirap. Binibigyan Niya ng karangalan ang mga aba. Mula sa langit hanggang sa lupa, Siya ay makapangyarihan at karapat-dapat sa lahat ng papuri sa lahat ng panahon.


Ang makilala ang Diyos sa Kanyang kadakilaan ay isang natatanging karanasan. Hindi lamang ito tungkol sa pagkuha ng kaalaman o impormasyon tungkol sa Kanya. Ang Diyos ay higit pa dito. Siya ay may tatlong persona: ang Diyos Ama, ang Diyos Anak, at ang Diyos Espiritu Santo. Magkasama silang lumikha ng sanlibutan at nagbigay ng buhay sa bawat tao, hayop, at halaman. Dahil dito, sila ay walang kapantay at karapat-dapat sa ating mga papuri at pagsamba. Sila rin ay nagkakaisa sa layunin, puso, at pagnanais na tulungan ang mga dukha at nangangailangan. Ngayon, isipin mo ang iyong sarili o ang iyong mga mahal sa buhay — may malasakit kaya ang Diyos sa inyong kalalagayan at kinabukasan? Higit sa lahat, isipin mo ang sakripisyo at pagkalinga sa iyo ng ating Panginoong Jesus. Walang ibang diyos-diyosan ang kayang tapatan ang pagpapatawad pagliligtas sa tao ng higit pa sa ginawa ng Diyos Ama sa pamamagitan ni Jesus.


Kilalanin ng personal ang Diyos sa Kanyang kadakilaan. Sa pamamagitan ng malalim na pananampalataya, umugnay sa Diyos ng may pagpapakumbaba, paghingi ng tawad, may pagsamba, at may paglilingkod. Naising mas makilala ng personal ang Diyos Ama, Diyos Anak, at Diyos Espiritu Santo. Siya ang lumikha ng sanlibutan at ang nagbigay ng buhay sa ating lahat. Paniwalaan ang sakripisyo ni Jesus para sa ating kapatawaran at kaligtasan. 

Panalangin:

Aking Diyos at Ama, salamat sa pagbibigay sa amin ng natatanging pagkilala sa Iyo at sa Iyong kadakilaan. Salamat sa iyong Anak na si Jesus, at sa Espiritu Santo. Nawa’y mas maranasan namin ang Iyong malasakit sa aming kalagayan at kinabukasan.

Sa pangalan ni Jesus, Amen.  

Pagninilay:

The Bible in 1 year: Joshua 5-6

 Written by: Gene Estrabon III

Read Previous Devotions