July 29, 2024 | Monday
UVCC Daily Devotion
On the Book of Psalms
Masaya Ang Sumusunod Sa Utos Ng Diyos
Today's Verses: Psalm 112:1,4 (ASND)
1Purihin ang Panginoon! Mapalad ang taong may takot sa Panginoon at malugod na sumusunod sa kanyang mga utos. 4Kahit sa kadiliman, taglay pa rin ang liwanag ng taong namumuhay nang matuwid, at puno ng kabutihan, kahabagan at katuwiran.
Read Psalm 112
May kaligayahan bang hatid sa iyo ang pagiging masunurin sa Diyos?
Ang mga Psalm 112 ay naglalarawan ng pagpapala para sa mga taong may takot sa Diyos at nasisiyahan sa Kanyang mga utos. Sinasalamin ng verses 1 at 4 na ang pangako ng Diyos na magbigay ng liwanag sa mga matuwid kahit sa oras ng dilim. Ang kanilang kabanalan at malasakit ay nagdadala ng gabay at pag-asa sa kanilang buhay.
Ang buhay natin ay nakadisenyo ng may kakayanan na magpuri sa Diyos. Sabi nga ng Biblia na tayo ay nilikha sa ‘wangis ng Diyos’. Kapag tayo ay nakakasunod sa Diyos, tayo ay nakakaramdam ng kakaibang saya. Alam natin yan. Sa tuwina naman na tayo ay hindi nakasusunod sa Diyos, mali o makasalanan ang ating ginawa, alam man natin o hindi, ramdam natin ang kakaibang kalungkutan o kawalan. Kalaunan, kapag tayo ay nasanay na gumawa ng mabuti o ng masama, nagiging bahagi na ng ating buhay ang alinman dito. Ang epekto ay mas nagiging masaya at maaliwalas ang ating kalooban o ang kabaligtaran nito – lungkot at lumbay. Kaya totoo ang sinasabi ng Bible na ang mga taong may takot at pagpaparangal sa Diyos ay mapalad, ‘blessed’, o sa ibang salita ay masaya. Maski kadiliman ay hindi mananaig sa may takot sa Diyos at sumusunod sa Kanyang utos.
Piliin na mamuhay ng may takot at pagsunod sa Diyos. Tanggapin ang saya na resulta ng pagiging mapag parangal sa Diyos. Magpuri sa Diyos. Simulan ang iyong araw sa pagluwalhati sa Diyos. Maglaan ng oras para sa panalangin at pasasalamat sa Kanyang mga biyaya at gabay. Maging Inspirasyon sa Iba. Ang iyong magandang asal at namumuhay ayon sa Diyos ay nagbigay inspirasyon sa iba. Kaya, maging halimbawa ng tunay na pananampalataya at pagmamalasakit.
Panalangin:
Aking Diyos Ama, salamat sa Iyong gabay at pagmamahal. Nawa’y masunod namin ang Iyong mga utos. Nawa'y magpuri kami sa Iyo araw-araw. Tulungan Mo kaming maging inspirasyon sa iba sa pamamagitan ng aming maayos na pananaw at mabubuting asal. Magliwanag ka sa amin kahit sa kadiliman. May tunay na saya sa pagsunod sa Iyo.
Sa pangalan ni Jesus, Amen.
Pagninilay:
Ano ang mga palatandaan na tayo ay hindi sumusunod sa Diyos?
Bakit may lungkot kung tayo’y masuwayin at saya kung tayo’y masunurin?
Paano natin maipapakita ang tunay na pagsunod sa Diyos?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions