July 26, 2024 | Friday
UVCC Daily Devotion
On the Book of Psalms
May Pag-Asa Dahil Naghahari Ang Panginoon
Today's Verses: Psalm 110:1–2 (ASND)
1Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon, “Maupo ka sa kanan ko hanggang mapasuko ko sa iyo ang mga kaaway mo.” 2Palalawakin ng Panginoon ang iyong kaharian mula sa Zion, at paghaharian mo ang iyong mga kaaway.
Read Psalm 110
Ikaw ba ay may pag-asa sa buhay dahil sa Panginoon Jesus?
Ang Psalm 110 na isinulat ni Haring David ay naglalarawan ng isang Mesiyas mula sa Diyos na magiging isang pari at hari. Ipinapakita nito ang sukdulang kagalakan sa pagdating ng isang matuwid at makapangyarihang lider na maghahari nang walang hanggan. Ito ay isang pangako ng Diyos sa kanyang bayan na magdadala ng kapayapaan at katarungan sa buong mundo.
May pangako ang Panginoong Diyos o si Yahweh ng Lumang Tipan para sa atin. Ang pangako una ay nauugnay sa Israel ngunit umiiral pa rin hanggang sa kasalukuyan. Ito ay may kinalaman sa paghahari ng isa pang Panginoon na katulad ni Yahweh. Tinitiyak ni Yahweh na ang Hari na itinalaga Niyang walang hanggan ay magtatatag ng Kanyang kaharian at maghahari sa lahat. Mahalagang unawain natin ito dahil ito’y may malalim na kaugnayan sa ating kalagayan. Hindi natin ito dapat balewalain. Nararapat nating bigyang-pansin ito dahil ang walang hanggang Hari na tinutukoy ay ang Panginoong Jesus (tingnan sa Mateo 22:42-43; Marcos 12:36; Lucas 20:42; Gawa 2:33-35). Alam nating nag-alay si Jesus ng kanyang buhay, nabuhay muli, at naghahari. Darating si Jesus sa tamang panahon upang iligtas ang mga sumasampalataya at sumusunod sa Kanya. May pag-asa sa buhay dahil sa Panginoong Jesus.
Tumugon tayo sa paghahari ng Panginoong Jesus. Gamitin bilang batayan ng pag-asa at pananampalataya ang muling pagbabalik ng Mesiyas. Gawin mo ito at ikaw ay nagpapahayag ng kapangyarihan at pagiging pinili ng Diyos ng Kanyang Mesiyas upang mamuno at maghari nang tapat. Tanggapin ang sigla at pag-asa sa puso mo bilang nananampalataya na ang Diyos ay mayroong plano at layunin para sa Kanyang bayang Israel at para sa kanyang mga tinawag.
Panalangin:
Aking Diyos Ama, ako’y tumutugon sa paghahari ng Panginoong Jesus. Naniniwala ako sa Kanyang muling pagbabalik. Ito ang batayan ng aming pag-asa at pananampalataya. Si Jesus ang Mesiyas na namumuno at naghari ng tapat. Tinatanggap namin ang sigla at pag-asa sa aming puso bilang mga nananampalataya.
Sa pangalan ni Jesus, Amen.
Pagninilay:
Bakit mahalagang unawain ang pangako ng walang hanggang Hari na tinutukoy sa Psalm 110?
Ano ang pangako ni Yahweh sa Lumang Tipan na may kaugnayan sa paghahari ng Panginoong Jesus?
Paano nagbibigay ng pag-asa sa ating pananampalataya ngayon ang pangako ni Yahweh?
Paano ang pagkilala sa paghahari ni Jesus nagpapakita ng kababaang-loob at pagsunod sa kalooban ng Diyos?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions