July 25, 2024 | Thursday
UVCC Daily Devotion
On the Book of Psalms
Kapag Humaharap Sa Mga Pagsubok
Today's Verses: Psalm 109:30–31 (ASND)
30 Pupurihin ko ang Panginoon, pupurihin ko siya sa harapan ng maraming tao. 31 Dahil tinutulungan niya ang mga dukha upang iligtas sila sa mga nais magpahamak sa kanila.
Read Psalm 109
Nangangailangan ka ba ng gabay ng Diyos habang humaharap sa mga pagsubok?
Ang Psalm 109 ay isang panalangin ni David na nagpapahayag ng kanyang hinagpis at humihingi ng katarungan mula sa Diyos laban sa kanyang mga kaaway. Ipinaaabot niya ang kanyang panalangin para sa kanilang pagkatalo at parusa. Sa kabila ng mga pagsubok at pagtataksil na kanyang nararanasan, ipinapahayag ng may-akda ang kanyang tiwala sa katuwiran at awa ng Diyos, na siyang kanyang inaasahan at pinagkukunan ng lakas at kaligtasan.
Ang mga pagsubok sa buhay ay normal. Lahat tayo ay dumadaan sa mga pagsubok sa buhay. Ito ay bahagi ng ating ‘journey’ sa buhay. Ang pagsubok sa buhay ay nagbibigay sa atin ng pagkakataon na lumago at maging matatag. Ang mga pagsubok ay nagbibigay sa atin ng pagkakataon na magkaroon ng mas malalim na pag-unawa sa ating sarili at sa mundo na ating ginagalawan. Ang mga pagsubok ay nagbibigay daan sa pag-usbong ng mabuting pag-uugali at pananampalataya. Minsan kahit feeling mo na wala kang kakampi at marami ang nangyayaring problema, ang Diyos ay nariyan. Kaya ka Niyang tulungan. Ang Diyos ay kaya kang iligtas. Kapag nararanasan mo ang pagsama’t kabutihan ng Diyos, ang pagpupuri sa Kanya sa harapan ng maraming tao ay nagagawa mo ng natural.
Maging inspired sa buhay ng mga nagtagumpay sa pagsubok. Magbasa ng Biblia upang magkaroon ng inspirasyon. Magpasalamat sa Panginoon sa gitna ng mga pagsubok. Magtiwala sa Kanyang pagmamahal at katarungan. Matutong magpuri sa Diyos sa kabila ng mga pagsubok. Ang pananampalataya at pasasalamat sa Diyos ay magbibigay sa atin ng lakas at pag-asa na makayanan ang lahat ng hamon ng buhay.
Panalangin:
Aking Diyos Ama, salamat sa lahat ng iyong kabutihan at tulong sa aking buhay. Tinutupad mo ang mga pangako Mo at patuloy kang nagbibigay ng biyaya, pag-iingat, at pagliligtas kahit sa gitna ng mga pagsubok. Tulungan mo akong manatiling tapat at magpasalamat sa lahat ng oras, sapagkat ikaw lang ang aking kanlungan at kalakasan.
Sa pangalan ni Jesus, Amen.
Pagninilay:
Ano ang mga pagsubok sa buhay na nagtuturo sa iyo na magtiwala at magpasalamat sa Diyos?
Ano ang kahalagahan ng pagtitiwala sa Diyos at ang pagpapakita ng pasasalamat sa gitna ng mga pagsubok?
Paano mo maipapakita ang pasasalamat sa Diyos sa iyong pang-araw-araw na buhay?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions