July 16, 2024 | Tuesday
UVCC Daily Devotion
On the Book of Psalms
Para Sa Pangalan Ng Diyos
Today's Verses: Psalm 106:8–9 (ASND)
8 Ngunit iniligtas nʼyo pa rin sila, upang kayo ay maparangalan at maipakita ang inyong kapangyarihan. 9 Inutusan ng Panginoon ang Dagat na Pula na matuyo, at itoʼy natuyo; pinangunahan niya ang kanyang mga mamamayan na makatawid na parang lumalakad lamang sa disyerto.
Read Psalm 106
Nais mo bang maging tapat din sa Diyos?
Ang Psalm 106 ay kapurihan ng Diyos dahil sa kanyang pagliligtas sa Israel. Alam ng Israel na hindi sila nakasunod sa usapan nila sa Diyos. Ang ‘covenant’ ay ang usapan sa pagitan ng Diyos at ng Israel. Nagkaisa ang Israel na si Yahweh ang kanilang nag-iisang Diyos. Ang Diyos ay nangakong ipagtatangol sila at pagpapalain sila. Ang Israel naman ay dapt maging tapat sa ‘covenant’ o kasunduan na inilatag sa kanila ng Diyos. Ngunit hindi naging tapat ang Israel. Ganunpaman, si Yahweh ay nanatiling tapat sa kanila bilang bayan. Ang mga patunay dito ay ang mga himala, mga pagpapala, at mga pagtatanggol na ginawa ng Diyos para iniligtas sila ng Diyos.
Ang Diyos ay tapat. Ang pagliligtas ng Diyos ay base sa Kanyang mga pangako. Ang Diyos ay tapat sa kanyang mga pangako. Ginagawa Niya ito para sa kapakanan ng Kanyang pangalan. Dahil anuman ang mangyari, ang Diyos ay tutupad sa Kanyang mga binitiwang pangako. Bakit tapat ang Diyos? Hindi dahil sa tapat tayo at mabuti tayo. Tapat ang Diyos dahil Siya ay mabuti at tapat. Maraming beses na nating naririnig sa mga tao na nagpapasalamat sa katapatan ng Diyos. Kadalasan ang karugtong ng panalanging ito ay paghingi ng kapatawaran dahil sa hindi pagiging tapat ng tao sa Diyos. Ito’y totoo. Wala sa atin na 100% tapat sa Diyos. Ngunit may mabuting balita! Ang pagiging tapat sa Diyos ay natututunan. Ito ay pwedeng maging kasanayan. Ito ay napag-aaralan. Ang pagpaparangal sa pangalan ng Diyos ay isang pananaw na magbabago kung paano tayo namumuhay bilang mga tunay na tagasunod ni Jesu Kristo.
Mabuhay para sa karangalan ng Diyos. Parangalan ang Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang utos. Mahalin natin kung sino ang Diyos. Sa gayon, hindi magiging mahirap na sundin ang Diyos.
Panalangin:
Aking Diyos Ama, naniniwala ako na ang Iyong pangalan ay puno ng karangalan. Nalalaman ko na gagawin mo ang lahat para maparangalan ang iyong pangalan katulad ng pagtupad mo sa iyong mga pangako at pagliligtas sa iyong mga anak.
Maraming salamat. Sa pangalan ni Jesus, Amen.
Pagninilay:
Nauunawaan at nagagawa mo ba na parangalan ang pangalan ng Diyos?
Bakit inililigtas ng Diyos ang kanyang mga pinili kahit na hindi namumuhay ng tapat?
Paano parangalan ang pangalan ng Diyos?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions