July 8, 2024 | Monday
UVCC Daily Devotion
On the Book of Psalms
Ang Manahimik At Magpakumbaba Sa Diyos
Today's Verses:Psalm 104:24–25 (ASND)
24 Kay dami ng inyong mga ginawa, Panginoon. Nilikha nʼyo ang lahat ayon sa inyong karunungan. Ang buong mundo ay puno ng inyong nilikha. 25 Ang dagat ay napakalawak, at hindi mabilang ang inyong mga nilalang dito, may malalaki at maliliit.
Read Psalm 104
Napagtanto mo na ba na ang Diyos ang Manlilikha ng lahat ng bagay?
Ang Psalm 104 ay awit ng papuri. Pinapupurihan ng manunulat ang maraming bagay tungkol sa Diyos – lalo na ang pagiging Panginoon na Manlilikha. Para sa manunulat, sobrang kahanga-hanga ang Diyos. Ang pruweba ng pagiging kahanga-hanga ng Diyos ay ang Kanyang mga gawa: ang kalikasan, ang mga iba’t-ibang hayop sa dagat at sa lupa at sa himpapawid, ang kalawakan kasama ang mga ulap at ang hangin, at marami pang iba. Tunay na dakila’t kahanga-hanga ang Diyos na Manlilikha!
Ang Diyos ay Manlilikha. Ang pagkilala sa Diyos bilang Manlilikha ay nangangailangan ng pananahimik ng kalooban. Ang mga kaabalahan sa buhay at mga problema na kaakibat nito ay mga umaagaw ng ating atensyon sa Diyos. Ang mga problema at kaabalahan ay nagiging dahilan at nagiging hadlang para manahimik tayo at hangaan ang Diyos. Minsan ang pag-’pause’ o ang pagtigil panandalian ay malaking tulong para mapayapa ang ating isip – lalo kung ang pag-’pause’ o ang pagtigil panandalian ay sasamahan ng paghanga Diyos at sa Kanyang mga nilikha. Sunod, ang pagkilala sa Diyos bilang Manlilikha ay nangangailangan ng pagpapakumbaba. Ang taong nagpapakumbaba sa Diyos ay tatanggap ng kapayapaan mula sa DIyos. Alam natin na kayabangan ang balewalain ang Diyos at maging ubod ng abala. Ngunit sa tao na may pinagsamang pagpapakumbaba at pananahimik sa harapan ng Diyos, nagiging madaling tanggalin at lasapin ang kapayapaan ng Diyos. Habang sinusuri natin ang ganda at detalye sangnilika, ang paghanga sa Diyos ay namumunga ng kapanatagan. Tunay na ang pananahimik na may paghanga sa Diyos ay hindi kayang bayaran o palitan ng anumang mabuting gawa o adhikain. Ang ‘daily devotions’ o araw-araw na pakikipagniig sa Diyos ay gawain na may pananahimik at pagpapakumbaba sa Diyos.
Manahimik at magpakumbaba sa Diyos. Tinatawagan ang lahat ng Kristiyano na aralin at gawin ang disiplina ng pananahimik at pagpapakumbaba sa Diyos. Ito ay sobrang halaga. Kalaunan, ang ganitong personal na disiplina ay may mga mainam na resulta kapag regular na gagawin. Kaya maglaan ng regular na araw-araw na ‘daily devotions’.
Panalangin:
Ang puso ko ngayon ay nanahimik sa Iyo, aking Diyos Ama. Turuan mo akong magpakumbaba sa Iyo. Ikaw ay tunay na kahanga-hanga.
Maraming salamat po. Sa pangalan ni Jesus, Amen.
Pagninilay:
Ano hangaan ang Diyos bilang lumikha ng lahat ng mga bagay?
Ano ang nagawa ng Diyos bilang dakilang Manlilikha?
Paano ang disiplina ng pananahimik at pagpapakumbaba sa Diyos?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions