July 27, 2024 | Saturday
UVCC Daily Devotion
On the Book of Psalms
May Takot At May Pang-Unawa Mula Sa Diyos
Today's Verses: Psalm 111:10 (ASND)
Ang pagkatakot sa Panginoon ang pinagmumulan ng karunungan. Lahat ng sumusunod sa kanyang mga utos ay may mabuting pang-unawa. Purihin siya magpakailanman.
Read Psalm 111
Ang tao ba na sumusunod sa utos ng Panginoon ay may mabuting pang-unawa?
Kung naghahanap ka ng isang kabanata sa Awit na nagtatampok ng banal na paggalang sa Diyos dahil sa Kanyang mga dakilang gawa at karunungan, ang Awit 111 ay isa sa mga ito. Ang Diyos ay makatarungan at tapat, at ang Kanyang mga utos ay nagbibigay ng tunay na kaalaman at pang-unawa. Binibigyang-diin ng awit ang kahalagahan ng pagkatakot sa Diyos bilang pinagmulan ng karunungan at ang pangangailangan ng masigasig na pagsunod sa Kanyang mga utos.
Marami sa atin ang nahihirapan sumunod sa Diyos. Paano kung sasabihin ko sa iyo na may dalawang mainam at epektibong paraan para maging marunong at maging masunurin. Sa ganitong paraan ay mas magiging madali at hindi ganoon kahirap ang pagsunod sa Diyos. Ito ay dahil sa mas mainam ang pagsunod natin sa Panginoon kung may banal na takot tayo sa Diyos at may mabuting pang-unawa tayo na mula sa Diyos. Ang unang katangian ng ‘banal na takot sa Diyos’ ay tinuturuan kang maging marunong sa pagsunod sa Diyos. Ang pangalawang katangian ay pagkakaroon ng ‘mabuting pang-unawa’ para maging likas o mas madali ang pagsunod mo. Ito ay katotohanan. Next na ramdam mong parang ang hirap sumunod sa Diyos, tanungin mo ang sarili ng dalawang tanong na ito: ‘Ako ba ay may banal na takot sa Diyos?’ at ‘Ako ba ay may pang-unawa sa Diyos sapat para Siya ay masunod ko ng mas likas?’
Magbigay ng papuri sa Diyos dahil sa mga dakilang gawa at karunungan ng Diyos. Maglaan ng oras sa pagdarasal at pag-aaral ng Banal na Kasulatan upang mapalalim ang iyong banal na takot sa Diyos. Pagsikapan ang pagkakaroon ng malalim na relasyon sa Diyos sa pamamagitan ng regular na pagsisiyasat ng iyong sarili. Tara at pagnilayan ang mga tanong na ‘Mayroon ba akong banal na takot sa Diyos?’ at ‘May sapat ba akong pang-unawa upang mas madaling sumunod sa Kanya?’ Gawin mo ang mga ito at siguradong magbibigay ka ng papuri kay Jesus dahil sa iyong pagsunod sa Kanya.
Panalangin:
Aking Diyos Ama, purihin ka sa iyong mga dakilang gawa at karunungan. Gabayan Mo ako para mas maunawaam ko ang Iyong mga utos. Ilapit Mo ako sa Iyo.
Sa pangalan ni Jesus, Amen.
Pagninilay:
Ano ang banal na takot sa Diyos?
Bakit kailangan na may sapat muna akong pang-unawa para masunod ang Diyos?
Paano mo maging mas madali ang pagsunod ko sa Diyos?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions