August 27, 2024 | Tuesday

UVCC Daily Devotion

On the Book of Psalms

Kahit Lumalapit Ang Panganib, Mas Malapit Ang Kautusan Ng Diyos

Today's Verses:  Psalm 119:150–151 (ASND)

150 Palapit na nang palapit ang masasamang umuusig sa akin, ang mga taong tumatanggi sa inyong kautusan. 151 Ngunit malapit kayo sa akin, Panginoon; at ang inyong mga utos ay maaasahan.


Read Psalm 119:145-152

Sa kabila ng papalapit na panganib, mananatili ka bang nagtitiwala sa Diyos at sa Kanyang kautusan, o mag-aalinlangan ka sa Kanyang kapangyarihan at mga utos?


Sa Awit 119:145-152, taimtim na nananalangin ang manunulat sa Diyos para sa pagliligtas at patnubay sa kabila ng lumalapit na panganib mula sa mga kaaway. Siya'y nagtataglay ng matibay na pagtitiwala sa mga kautusan ng Diyos at nagbibigay papuri sa Kanyang pagiging maaasahan at pagiging malapit.


Masigasig ang Diyos sa paglapit sa atin sa iba’t ibang paraan. Sa Lumang Tipan, maraming halimbawa ng Diyos na lumapit sa mga napiling tao upang magpakilala. Sa Bagong Tipan, lumitaw ang hangarin at pangako ng Diyos na maging malapit sa tao sa pamamagitan ni Jesus, na tinaguriang ‘Immanuel’ o ‘Diyos na kasama natin.’ Si Jesus ang Salita ng Diyos na nagkatawang-tao at ang gabay sa pakikipagtagpo sa Diyos. Bagamat ang panganib ay lumalapit, si Jesus ay palaging malapit sa atin. Hindi Niya tayo iniiwan. Naghihintay Siya ng ating tugon at pagsunod. Ngayon, ang tanong ay: "Sa kabila ng papalapit na panganib, mananatili ka bang nagtitiwala sa Diyos at kay Jesus, o mag-aalinlangan ka sa Kanyang kapangyarihan at mga utos?


Maglaan ng oras upang pag-isipan at pagyamanin ang iyong relasyon sa Diyos sa pamamagitan ni Jesus. Gawin itong bahagi ng iyong pang-araw-araw na gawain sa pamamagitan ng taimtim na panalangin. Ipahayag mo ang iyong mga takot, alalahanin, at pangarap, at ipinagkakatiwala mo ang lahat ng iyong pangangailangan sa Diyos. Humingi ng lakas at kapayapaan lalo na sa mga oras ng panganib. Damhin mo ang Kanyang pag-akap sa iyo. Ang pagiging matatag at may lakas ng loob sa kabila ng mga pagsubok ay magpapakita ng iyong taos-pusong pagtitiwala sa Diyos at kay Jesus sa araw-araw.

Panalangin:

Aking Diyos Ama, salamat sa iyong walang kapantay na pag-ibig at gabay. Sa bawat araw, tulungan Mo akong pagyamanin ang aking relasyon sa Iyo sa pamamagitan ni Jesus. Sa mga oras ng takot at panganib, ipagkatiwala ko ang lahat sa Iyo. Bigyan Mo ako ng lakas at kapayapaan.

Sa pangalan ni Jesus, Amen.  

Pagninilay:

The Bible in 1 year: Judges 15-16

 Written by: Gene Estrabon III

Read Previous Devotions