August 28, 2024 | Wednesday
UVCC Daily Devotion
On the Book of Psalms
Ang Ibigin Ang Mga Kautusan Ng Diyos
Today's Verses: Psalm 119:165,167 (ASND)
165 Magiging payapaʼt tiwasay ang kalagayan ng mga umiibig sa inyong kautusan, at silaʼy hindi mabubuwal. 167 Buong puso kong iniibig ang inyong mga turo, at itoʼy sinusunod ko
Read Psalm 119:153-168
May pag-ibig ka ba sa mga kautusan ng Diyos?
Sinabi ng manunulat sa Awit 119:165,167 na ang mga taong nagmamahal sa mga kautusan ng Diyos ay nagkakaroon ng kapayapaan at walang sagabal sa kanilang buhay. Ang kanilang pagmamahal sa mga utos ng Diyos ay nagbibigay sa kanila ng tunay na kagalakan at kapanatagan. Ang kanilang pagtalima ay nagpapalalim ng kanilang relasyon sa Diyos at nagbibigay sa kanila ng patuloy na kasiyahan.
Mapapansin natin na may espesyal na aspeto sa mga kautusan ng Diyos na nakakabighani—ang kakayahan nitong magdulot sa atin ng pagmamahal sa Diyos at sa Kanyang mga utos. Kapag sinusunod natin ang mga aral Niya, nadarama natin ang malalim na pagmamahal at karunungan. Halimbawa, kapag may hindi pagkakaunawaan sa magkakaibigan, ang utos na "magpatawad" ay nagsisilbing gabay. Kahit mahirap, humihingi tayo ng tulong sa Diyos upang magpatawad at magpakita ng pag-unawa. Sa paggawa nito, hindi lang ang relasyon natin ang naayos, kundi pati ang ating puso ay nakakaramdam ng kapayapaan at ligaya. Ang mga utos ng Diyos ay nagbibigay ng lakas at direksyon sa bawat hakbang, at tunay na pinagmumulan ng kasiyahan at kapanatagan sa ating buhay.
Magpagabay tayo sa mga kautusan ng Diyos at magpatawad sa mga nagkamali sa atin. Kahit na mahirap, ang pagsunod sa utos ng Diyos na magpatawad ay mapapanatili ang kapayapaan sa ating relasyon. Kailangan mong pangalagaan ang iyong relasyon sa Diyos, lalo na kung ikaw ay tagasunod ni Jesus. Maglaan ka ng oras para sa panalangin at pagninilay ng Kanyang Salita. Gawin mo ito upang mas mapalapit ka sa Diyos at mas maunawaan ang Kanyang mga utos. Ipakita ang pagmamahal sa pamamagitan ng pagtulong sa kapwa. Ang mga paggawa ng mabuti ay nagmumula sa prinsipyong nagmumula sa mga kautusan ng Diyos.
Panalangin:
Aking Diyos Ama, salamat sa mga kautusan Mo. Bigyan mo ako malalim na pagmamahal sa iyong Kautusan. Nais kong matutunang mapahagahan ang iyong kautusan sa pamamagitan ng pagsunod.. Tulungan Mo akong mas mapalapit kami sa Iyo at maranasan ang tunay na ligaya at kapayapaan.
Sa pangalan ni Jesus, Amen.
Pagninilay:
Para saan ang mga kautusan ng Diyos? Magbigay ng example.
Bakit ‘pag-ibig’ na salita ang best na gamitin para bigyan pagpapahalaga ang mga kautusan ng Diyos?
Paano nagbibigay ng lakas at direksyon ang mga utos ng Diyos sa ating araw-araw na buhay?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions