August 5, 2024 | Monday

UVCC Daily Devotion

On the Book of Psalms

Sasamba, Maghahandog, at Tutuparin

Today's Verses: Psalm 116:12–14  (ASND)

12 Ano kaya ang maigaganti ko sa Panginoon sa lahat ng kabutihan niya sa akin? 13 Sasambahin ko ang Panginoon, at maghahandog ako sa kanya ng pasasalamat sa kanyang pagliligtas sa akin. 14 Tutuparin ko ang aking mga pangako sa Panginoon sa harap ng kanyang mga mamamayan.


Read Psalm 116

Sasambahin mo ba ang Panginoon at tutuparin ang iyong mga pangako sa Kanya?


Ang Awit 116 ay isang pagpapahayag ng pasasalamat at debosyon sa Diyos. Inilalarawan nito ang pagluwa ng manunulat mula sa matinding panganib at pagkilala sa pagliligtas ng Diyos. Nagtatanong din ang manunulat kung paano siya makapagbabalik ng kabutihan sa Panginoon. Ang kanyang tugon ay ang pangakong sasambahin ang Panginoon, maghahandog ng pasasalamat, at tutuparin ang kanyang mga pangako sa harap ng mga tao ng Diyos bilang sagot sa kabutihan ni Yahweh.


Malinaw na ang pagsamba sa Diyos, pag-aalay ng pasasalamat, at pagtupad sa mga pangako ay hindi lamang mga seremonyal na gawain. Ang mga ito ay mga konkretong paraan upang ipakita natin ang taos-pusong pasasalamat sa mga biyaya ng Diyos. Ang ating malalim na pasasalamat sa Diyos dahil sa Kanyang pagligtas sa atin mula sa panganib ay napaka-inam na ‘self-motivation’. Halimbawa, kung ako ay naligtas mula sa isang malubhang aksidente sa kalsada, magpapasalamat ako sa Diyos sa pamamagitan ng pagdalo sa simbahan, paglilingkod sa isang ministry, pagtulong sa mga nangangailangan, at pagtupad sa mga ipinangako ko sa Diyos noon. Sa aking pagsamba, ako’y magbibigay ng paggalang at pasasalamat. Ang aking pag-aalay ng pasasalamat ay nagpapahayag ng kagalakan sa bagong pagkakataon. Ang pagtupad natin sa mga pangako natin sa Diyos ay patunay ng ating tapat na debosyon sa Kanya. Sa ganitong paraan, ang bawat hakbang natin ay nagpapakita ng tunay na pagmamahal sa Diyos.


Bilang tugon sa biyaya ng Diyos, dumalo sa simbahan at ipakita ang ating pagsamba at paggalang. Ang pagtulong sa iba, lalo na sa mga nangangailangan, ay isang konkretong paraan ng pagpapakita ng pagmamalasakit at pagkalinga. Ang pagtupad sa mga espirituwal na pangako, tulad ng regular na panalangin at pag-aaral ng Bibliya, ay nagpapalalim ng ating relasyon sa Diyos at nagpapatunay ng tapat na debosyon. Gawin ngayong araw at huwag ipagpabukas

Panalangin:

Aking Diyos Ama, salamat sa lahat ng Iyong kabutihan at pagliligtas sa akin. Hindi ko alam kung paano ko maibabalik ang Iyong mga biyaya. Ngunit ako ngayon ay sasamba sa Iyo, mag-aalay ng pasasalamat sa Iyo, at tutuparin ang aking mga pangako sa Iyong harapan. 

Sa pangalan ni Jesus, Amen.  

Pagninilay:

The Bible in 1 year: Joshua 11-12

 Written by: Gene Estrabon III

Read Previous Devotions