August 6, 2024 | Tuesday
UVCC Daily Devotion
On the Book of Psalms
Purihin Ang Diyos Anuman Ang Kaabalahan
Today's Verses: Psalm 117:1–2 (ASND)
1Purihin nʼyo at parangalan ang Panginoon, kayong lahat ng mamamayan ng mga bansa! 2Dahil napakadakila ng pag-ibig sa atin ng Panginoon, at ang kanyang katapatan ay walang hanggan. Purihin ninyo ang Panginoon!
Read Psalm 117
Isa ka ba sa mga tao na makatotohanang nag-aalay ng papuri sa Diyos?
Ang Psalm 117, ang pinakamaikling kabanata sa buong aklat Psalms. Ito ay nagtatampok ng panawagan na purihin ang Diyos. Inaanyayahan nito ang lahat ng bansa at bayan na magbigay ng luwalhati sa Panginoon. Ang mensahe nito na nagbibigay-diin sa walang kapantay na kagandahang-loob at katotohanan ng Diyos ay simple ngunit makapangyarihan. Ang Awit na ito ay nagsusulong ng pagkakaisa sa pagsamba, na lampas sa lahat ng lahi at teritoryo.
Sa gitna ng lahat ng ating mga kaabalahan, may panawagan na purihin ang Diyos. Alam natin na hindi naman nadadagdagan ang pagiging Diyos Niya kahit lahat ng tao sa mundo ay tumalima sa pagsamba sa Kanya. Hindi rin nababawasan ang Kanyang pagka-Diyos kung wala magbigay parangal sa Kanya. Hindi nagmamakaawa ang Diyos para sa ating pagsamba dahil ang tunay na kagandahan ng pagtalima sa pagpupuri Diyos ay nasa ating sarili. Ang pagiging bahagi ng isang komunidad na sama-samang nagpupuri sa Diyos sa kabila ng mga kaabalahan sa buhay ay nagdudulot ng tunay na ligaya, kapayapaan, at kasiyahan.
Maglaan ng oras sa iyong araw para sa panalangin. Magbasa ng Bibliya. Kahit na sa gitna ng iyong mga kaabalahan, kumonekta pa rin sa Diyos. Ialay ang iyong mga tagumpay sa Diyos at ang iyong mga pagsisikap bilang pagsamba. Maging masigasig na bahagi ng UVCC na isang Christian community. Dumalo ng mga gawain ng UVCC o ng simbahan na bahagi ka. Ang pagkakaroon ng mga pagkakataon na magpuri o sumamba kasama ng iba ay nagbibigay ng ligaya at kapayapaan sa puso. Mang-inspire at ipakita ang iyong pananampalataya sa pamamagitan ng mabuting asal. Maging halimbawa ng pagpapakumbaba at pagmamahal sa Diyos. I-angkop mo ang prinsipyo ng pagpupuri sa Diyos sa lahat ng aspeto ng iyong buhay, kahit sa kabila ng iyong mga abala.
Panalangin:
Aking Diyos Ama, kami ay lumalapit sa Iyo na may pusong puno ng pasasalamat. Alam naming ang Iyong pagka-Diyos ay hindi nagbabago, hindi nadadagdagan o nababawasan batay sa aming mga pagsamba. Gayunpaman, kami ay nag-aalay ng parangal sa Iyo. Pangharian mo ang aming pamilya at ang aming church na kinabibilangan.
Sa pangalan ni Jesus, Amen.
Pagninilay:
Bakit hindi nadadagdagan ang pagka-Diyos ng Diyos kahit lahat ng tao sa mundo ay magbigay parangal sa Kanya?
Paano nakakatulong ang pagiging bahagi ng isang komunidad na nagpupuri sa Diyos?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions