December 31, 2024 | Tuesday
UVCC Daily Devotion
Kapag Ikaw Ay May Kabalisahan
Today's Verses: Matthew 13:22 (MBBTag)
Ang binhi namang nahulog sa may matitinik na halaman ay ang mga taong nakikinig ng mensahe ngunit dahil sa pagkabalisa sa maraming mga bagay at pagkahumaling sa kayamanan, nawawalan ng puwang sa kanilang puso ang mensahe at hindi ito nagkakaroon ng bunga.
Read Matthew 13
Ikaw ba ay madalas na nakakaramdam ng pagkabalisa na napupunta sa pagkabalisa?
Sa Matthew 13 kung saan naroon ang Talinghaga ng Manghahasik, itinuro ni Jesus ang iba't ibang pagtanggap sa salita ng kaharian gamit ang mga binhi. Ipinakita ni Jesus na ang mga parabula ay nagbubukas ng katotohanan sa mga tumanggap, at mahalaga ang pag-unawa sa salita ng Diyos.
Sa panahon natin ngayon, ang kabalisahan ay nananalasa sa puso ng maraming tao. Ibat’t-ibang edad ang mas madaling naaapektuhan ng kabalisahan. Maging ang Salita ng Diyos na napapakinggan ay natatabunan sa puso ng marami dahil sa kabalisahan. Sa ganitong sitwasyon mapapatunayan kung bakit hindi sapat ang pakikinig lamang ng Salita ng Diyos. Ang Salitang napakinggan ay kailangang mas maunawaan ng isip at mas mapaniwalaan ng puso. Ngunit kung ang kabalisahan sa maraming bagay ay nauunang pumasok sa puso ng tao, nababalewala ang pakikinig ng Salita at hindi ito nagiging pananampalataya. Ito ay isang malungkot na pangyayari. Ang tao ay dapat nakakapag-isip ng tama, payapa ang puso, nagiging daluyan ng pag-ibig sa kapwa, nakakasunod sa Diyos, at napaparangalan ang Diyos. Ngunit dahil sa kabalisahan, problemado ang maraming tao, nababato sa pagsunod sa Diyos ang iba, at abala sa maraming bagay ang ilan. Ang uhaw sa Diyos ay napapalitan ng pagsasaya – ito ay upang maibsan ang kabalisahan. May mali sa ganitong klase ng pangyayari. Dahil sa kabalisahan, may laban sa puso ng maraming tao na hindi nahahalata ng mga problema at ng mga nagsasaya.
Ipasiyasat sa Diyos ang kalalagayan ng iyong puso. Alamin kung may kabalisahan ka sa maraming bagay. Pagmasdan ang ating mga gawi at iskedyul at suriin kung ang presensya ng Diyos o ang Salita ng Diyos ang tumutugon sa ating lungkot. O baka ang pagsasaya at kaabalahan sa maraming bagay ang mas nangingibabaw. Kaya, nagiging pangalawa na lamang ang alok ng Diyos na galak at kapayapaan. Ibigay sa Diyos ang iyong kabalisahan. Unawain ng iyong isip at paniwalaan ng puso ang mga utos at pangako ng Diyos.
Panalangin:
Aking Diyos Ama, patawarin mo ako sa mga pagkakataon na ako ay pumaparaan para maibsan ang aking lungkot at kabalisahan. Tulungan mo akong mas pakinggan at sundin ang iyong Salita ayon sa paraan na nais Mo.
Sa pangalan ni Jesus, Amen.
Pagninilay:
Anu-ano ang kabalisahan mo na ginagawan mo ng paraan?
Bakit ang kabalisahan ay nagiging daan para ang iyong pakikinig ay kinakapos ng pagsunod sa Diyos?
Paano mo mapagtatagumpayan ang kabalisahan para ang Diyos ay iyong mapakinggan at hindi ka kapusin sa pagsunod?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions