November 1, 2024 | Friday
UVCC Daily Devotion
Pagtuon Ng Isipan Sa Mga Bagay Na Makalangit
Today's Verses: Colossians 3:2 (ASND)
Doon ninyo ituon ang isip nʼyo, at hindi sa mga makamundong bagay.
Read Colossians 3
Madali ba para sa iyo na mag-focus sa mga mahalagang gawain?
Ang Colossians ay isinulat ni Apostol Pablo. Sa Colossians 3, hinihimok ni Apostol Pablo ang mga mananampalataya na ituon ang kanilang isipan sa mga bagay na makalangit at huwag maapektuhan o mawala sa linya dahil sa mga bagay sa mundo. Binibigyang-diin ng verse 2 ang kahalagahan ng pagtuon sa mga espiritwal na bagay, na nagdudulot ng tunay na buhay at pagkakaisa kay Cristo.
Maraming tao ang nahihirapan sa pagbibigay ng sapat na atensyon sa iba't ibang aspeto ng kanilang buhay. Kadalasan, ang kakulangan ng atensyon ay nagiging sagabal sa pag-aaral, relasyon sa pamilya, at maging sa espiritwal na aspeto ng buhay. Mahirap talagang ituon ang atensyon sa mga bagay na hindi natin interesado. Ang kakulangan sa kaalaman o impormasyon ay isa ring hadlang na maaaring nagiging balakid sa ating kakayahang magbigay ng nararapat na pansin. Sa ating isipan, nagaganap ang araw-araw na labanan sa pagpili kung ano ang tunay na mahalaga. Ang mga prayoridad natin ay madalas na nagbabago. Nangangailangan tayo ng disiplina at pag-unawa upang maayos na mapagtagumpayan ang iba’t-ibang mga hadlang na makamundong mga bagay. Sa huli, ang pagkilala sa ating layunin mula sa Diyos ay makatutulong sa atin para magbigay ng atensyon sa mga tunay na mahalaga.
Upang mapabuti ang iyong atensyon, tukuyin ang iyong mga prayoridad sa buhay, kasama ang pag-aaral, pamilya, at relasyon sa Diyos. Maglaan ng tiyak na oras para sa bawat aspeto at unti-unting unawain at isagawa ang nararapat. Dagdag pa ay iwasan ang mga sagabal katulad ng labis sa oras sa gadgets. Palawakin ang iyong kaalaman sa mga bagong bagay at regular na makipag-ugnayan sa Diyos sa panalangin. Ang mga hakbang na ito ay makatutulong sa iyo na maging mas disiplinado at nakatuon, na nagreresulta sa mas makadiyos na pamumuhay.
Panalangin:
Diyos Ama, salamat sa Iyong gabay at pagmamahal. Tulungan Mo akong tukuyin ang mga tunay na prayoridad sa aking buhay. Bigyan Mo ako ng karunungan at disiplina upang maglaan ng atensyon sa mga bagay na mahalaga — sa pag-aaral, pamilya, at sa espiritwal na paglalakbay. Sa bawat hakbang, nawa’y palakasin Mo ang aking pakikipag-ugnayan sa Iyo.
Sa pangalan ni Jesus, Amen.
Pagninilay:
Ano ang mga pangunahing aspeto ng buhay na kailangan nating bigyan ng atensyon?
Bakit mahalaga ang pag-alam at pagtuon sa mga prayoridad ng buhay?
Paano natin mapapalakas ang ating disiplina sa pagbibigay ng sapat at nararapat na atensyon sa pagiging makadiyos?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions