November 16, 2024 | Saturday

UVCC Daily Devotion

The Be-Attitude • 9 of 9

The Be-Attitude #9: Ang Inaalipusta, Inaapi At Pinararatangan 

Today's Verses:  Matthew 5:11-12 (ASND)

11Pinagpala kayo kapag dahil sa akin, kayo'y inaalipusta, inaapi at pinararatangan ng lahat ng uri ng kasamaan na pawang kasinungalingan. 12Magalak kayo at matuwa, sapagkat malaki ang gantimpala ninyo sa langit, sapagkat gayundin nila inusig ang mga propetang nauna sa inyo.


Read Matthew 5

Dapat ka bang magalak at matuwa ang mga Kristiyano kung may pag-aalipusta, pag-uusig, at mga pagpaparatang?


Sa Mateo 5:11-12, itinuturo ni Jesus na bilang Kanyang mga tagasunod, asahan natin ang pag-uusig, panlilibak, at maling paratang dahil sa ating pananampalataya. Ngunit, inuutusan Niya tayong magalak, sapagkat ang ating gantimpala ay tiyak sa langit, at ang ating paghihirap ay katulad ng naranasan ng mga propeta.


Ang sinabi ni Jesus tungkol sa pagdanas ng pang-aalipusta, pag-uusig, at mga pagpaparatang ay isang mahalagang paalala. Hindi Niya itinatago sa mga tagasunod Niya ang mga paghihirap na maaaring mangyari sa buhay nila bilang tunay na Kristiyano. Ang paalala ni Jesus ay nagpapakita na bilang tagasunod ni Kristo, asahan natin ang mga pagsubok na may kasamang pang-alipusta, pang-aapi, at hindi makatwirang paratang. Pansinin na ang "pag-aalipusta" ay ang pagsasabi ng ibang tao ng masakit at mapanglait na mga salita. Ang "pag-uusig" ay ang paggawa ng mga bagay na magdudulot sa atin ng pisikal o emosyonal na sakit. Ang "pagparatang" ay ang pagpapakalat ng mga mga salitang may halong kasinungalingan laban sa tagasunod ni Kristo. Ang lahat ng ito ay may layuning pabagsakin ang ating moralidad at pananampalataya. Inihahanda ni Jesus ang mga tagasunod Niya na maging matatag at magpatawad, tulad ng Kanyang ipinakita. Bilang mga tagasunod ni Kristo, sure na mangyayari ito at hindi ito maiiwasan. Payo ni Jesus ay tayo’y magalak at matuwa! Tayo din ay magparaya, maging mahinahon, at magsalita nang may pag-ibig katulad ni Jesus. Dapat din nating maunawaan na ang mga gumagawa ng pag-aalipusta, pag-aapi, at pagpaparatang ay maaaring may sariling pinagdadaanan at malamang ay emotionally unhealthy. 


Kaya't maging mapagpatawad tayo, tapat kay Kristo, at baguhin ang mga maling ugali. Tumayo tayo ng matatag sa gitna ng pang-aalipusta, pag-uusig, at maling paratang. Magparaya, magsalita ng may pag-ibig, at magtiwala sa Diyos. Huwag pumatol at magpadala sa galit. Tularan si Jesus sa pagpapatawad at pagiging mahinahon. Sa bawat pagsubok, magalak tayo, sapagkat ang Diyos ay kasama natin. Hanapin ang lakas sa Salita ng Diyos at sa mga tapat na kalalakihan at kababaihan ng Diyos na nagsisilbing inspirasyon sa ating pananampalataya. 

Panalangin:

Aking Diyos Ama, salamat po sa inyong mga paalala. Sa gitna ng pagsubok, bigyan Ninyo kami ng lakas na magpatawad, magparaya, at magsalita ng may pag-ibig. Tulungan po kaming maging matatag sa pananampalataya at magtiwala sa Inyong katarungan. Nawa’y magsilbing inspirasyon sa amin ang Inyong Salita at ang mga lingkod mong tapat.

Sa pangalan ni Jesus, Amen.  

Pagninilay:

The Bible in 1 year: 2 Kings 5-6

 Written by: Gene Estrabon III

Read Previous Devotions