November 23, 2024 | Saturday

UVCC Daily Devotion

Ang Magpatawad Para Mapatawad

Today's Verses:  Matthew 6:14-15 (FSV)

14Sapagkat kung pinatatawad ninyo ang iba sa kanilang mga kasalanan, patatawarin din kayo ng inyong Amang nasa langit. 15Ngunit kung hindi kayo nagpapatawad sa mga pagkakasala ng iba, hindi rin kayo patatawarin ng inyong Ama sa inyong mga pagkakasala.


Read Matthew 6

Nasubukan mo na bang makaramdam na ang mga tao ay lumalabis na sa tamang pagtrato sa iyo?


Itinuro ni Jesus na ang pagpapatawad sa iba ay susi upang tayo'y patawarin ng Diyos. Kung hindi tayo magpapatawad, hindi tayo patatawarin. Binanggit ni Jesus sa Mateo 6 ang kahalagahan ng pagpapakumbaba at pagiging tapat sa ating mga gawa, tulad ng pagdarasal at pagtulong ng ayon sa kalooban ng Diyos.


Ang salitang "kasalanan" ay mas malalim kaysa sa inaakala natin. Sa Biblia, may tatlong uri ng hindi pagsunod sa kalooban ng Diyos: paglabag (trespass), kasalanan (sin), at kasamaan (iniquity). Mahalaga ang pag-unawa sa mga ito upang mas maliwanag na maunawaan ang moralidad ng tao ng ayon sa Biblia. Ayon sa Mateo 6:14-15, ang hindi pagpapatawad ay isang paglabag sa kalooban ng Diyos (trespass). Kapag lumalampas tayo sa mga hangganan ng tamang pag-uugali, ito ay nagdudulot ng moral na pagkatalo at paglihis at paglayo sa batas ng Diyos. Kaya kung may paglabag sa iyo ang iyong kapwa, ikaw ay magpatawad dahil ikaw din naman ay lumabag sa kalooban ng Diyos. Kapag hindi tayo nagpapatawad, nawawala ang ating koneksyon sa presensya ng Diyos. Hindi pwedeng manatili sa atin ang Diyos kung tayo’y nagkikimkim ng sama ng loob. Tuwing tayo’y naninisi ng iba dahil sa ating maling pag-uugali, hindi tayo nagiging responsableng tao. Nangyayari ito kapag kontrolado tayo ng galit at pagkamuhi ng iba. Ibig sabihin ay hindi tayo nag-iisip dahil kontrolado tayo ng maling pag-uugali ng ibang tao. Hindi kaya panahon na para ayusin ang ating pag-uugali at pananaw para umayon sa kalooban ng Diyos Ama. Ang pagpapatawad ay isang hakbang patungo sa tunay na responsibilidad at malinis na puso sa harapan ng Diyos.


Magpatawad sa kapwa na nabalewala ang iyong pagkatao. Totoo na ang susi upang matanggap natin ang pagpapatawad ng Diyos ay kung tayo ay magpapatawad. Magpatawad ka, kahit pa nasaktan ka o nabalewala ang iyong pagkatao. Ang pagpapatawad ay hindi opsyonal—ito ay utos ng Diyos. Ayon sa Mateo 6:14-15, ang hindi pagpapatawad ay isang paglabag sa Kalooban ng Diyos. Kaya't magpatawad ka upang muling maipakita ang koneksyon mo sa Diyos at tanggapin ang Kanyang biyaya.

Panalangin:

Aking Diyos Ama, tulungan Mo po akong magpatawad kahit sa mga taong nagbale-wala sa akin. Nawa’y maunawaan ko ang lalim ng aking kasalanan at mapahalagahan ang pagpapatawad. Pagalingin Mo ang aming mga puso.

Sa pangalan ni Jesus, Amen.  

Pagninilay:

Note: Buod ng Pagkakaiba ng kasalanan, paglabag, at kasamaan


Ang bawat isa sa mga terminong ito ay naglalarawan ng iba't ibang aspeto ng maling gawa ng tao, kung saan ang kasalanan ang pinakamalawak na kategorya at ang kasamaan ay tumutukoy sa mas malubha o matagal nang pagsuway sa kalooban ng Diyos.

The Bible in 1 year: 2 Kings 17-18

 Written by: Gene Estrabon III

Read Previous Devotions