November 25, 2024 | Monday
UVCC Daily Devotion
Para Sa Pansin Lamang Ng Diyos
Today's Verses: Matthew 6:17–18 (MBBTag)
17Sa halip, kapag nag-aayuno ka, maghilamos ka, lagyan mo ng langis at ayusin mo ang iyong buhok 18upang huwag mapansin ng mga tao na ikaw ay nag-aayuno. Ang iyong Ama na hindi mo nakikita ang tanging makakaalam nito. Siya, na nakakakita ng ginagawa mo nang lihim, ang siyang magbibigay ng gantimpala sa iyo.”
Read Matthew 6
Ano mas habol mo, ang mapansin at papuri ka ng tao o ang mapansin at gantimpalaan ka ng Diyos?
Sa Matthew 6:16-18, tinuturo ni Jesus na ang mga gawaing spiritual tulad ng pag-aayuno ay hindi dapat ipakita sa iba upang magpasikat. Sa buong kabanata 6, binibigyang-diin ang pagiging tapat sa Diyos at hindi sa pagkuha ng pansin mula sa tao. Ang mga salitang, "ang iyong Ama, na nakakakita sa lihim, ay maggagantimpala sa iyo," ay nagpapakita ng kahalagahan ng taos-pusong pagsamba.
Ang ‘last say’ ng Diyos ay ang pinakamahalaga kumpara sa lahat ng papuri o ‘side comments’ na maaaring matanggap mo mula sa tao. Sa mga espiritwal na gawain tulad ng prayer & fasting, maraming hindi ito nauunawaan ng tama. Ang iba, iniisip na ang fasting ay parang "hunger strike" na kailangan pansinin dahil gutom. May iba naman na nag-aayuno upang magmukhang kawawa at kaawaan ng Diyos. O kaya ay para ipakita ang kanilang ‘elite status’ sa pagiging regular sa pag-aayuno at panalangin, kaya't napapansin sila ng tao. Ngunit lahat ng ito ay salungat sa turo ni Jesus. Kapatid sa Panginoon, mahal ka ng Diyos at pinahahalagahan ka na Niya. Hindi mo kailangang magpakita ng sakripisyo o magmukhang kawawa upang kaawaan ka ng Diyos Ama. Ang pinakamahalaga ay ang pagpapakumbaba ng iyong puso sa Kanya. Ang maling motibo at hindi tamang pag-unawa sa mga espiritwal na gawain ay pwede kang dayain. Ang approval at gantimpala ng Diyos sa iyong mga mabuting gawa, hindi ang pansin o papuri ng tao, ang pinakamahalaga sa buhay.
Huwag maghanap ng pansin o papuri mula sa tao. Ang approval ng Diyos sa iyong mga gawa ang tanging mahalaga. Sa pag-aayuno at panalangin, iwasan ang maling motibo—hindi ito para magmukhang kawawa o ipakita ang iyong ‘elite status’. Magpakumbaba sa harap ng Diyos. Gawin ang lahat ng espiritwal na gawain ng tapat at lihim, sapagkat ang Diyos, na nakakakita sa lihim, ang magbibigay ng gantimpala.
Panalangin:
Aking Diyos Ama, salamat sa iyong pagmamahal at gabay. Tulungan Mo kaming magpakumbaba at magsagawa ng mga gawaing espiritwal nang tapat, hindi para sa pansin ng tao, kundi para sa Iyong kaluwalhatian. Puspusin Mo kami ng Iyong biyaya.
Sa pangalan ni Jesus, Amen.
Pagninilay:
Ano ang tunay na layunin ng panalangin at pag-aayuno?
Bakit mas mahalaga ang approval ng Diyos kaysa papuri ng tao?
Paano natin maisasapamuhay ang tunay pagpapakumbaba sa ating mga espiritwal na gawain?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions