September 13, 2024 | Friday

UVCC Daily Devotion

On the Book of Psalms

Ang Malalim Na Paggalang Sa Diyos

Today's Verses:  Psalm 128:1-2 (ASND)

1Mapalad kayong may takot sa Panginoon, na namumuhay ayon sa kanyang pamamaraan. 2Ang inyong pinaghirapan ay magiging sapat sa inyong pangangailangan,at kayoʼy magiging maunlad at maligaya.


Read Psalm 128

Sa kasalukuyang panahon, may kabuluhan pa ba ang pagkakaroon ng sagradong paggalang sa Diyos?


Ayon sa may-akda ng Psalm 128, inilalarawan ang kasiyahan at biyaya ng isang taong may takot sa Diyos at sumusunod sa Kanyang kalooban. Ang mga tapat sa Diyos na may malalim na paggalang sa Kanya, ay tinutukoy na pinagpala. Dagdag pa ng manunulat na ang buhay ng mga taong may takot sa Diyos ay puno ng kasiyahan at tagumpay. Mula sa kanilang pamilya hanggang sa kanilang mga gawain, ang bunga ng kanilang pagsisikap at paggalang sa Diyos ay mahahayag sa karamihan.


Ang pagkatakot sa Diyos ay mahalagang konsepto na dapat nating lubos na maunawaan at isabuhay. Ang "takot" na tinutukoy sa Biblia ay hindi takot o pangamba,. Ang takot sa Diyos ay ang malalim na paggalang at paghanga sa Diyos. Kapag ipinapakita mo ang iyong katapatan sa Diyos sa pamamagitan ng iyong mga aksyon at pagsunod sa Kanyang mga utos, madarama mo ang tunay na kasiyahan at tagumpay. Sa isang Christian community na puno ng kagalakan, ang mga lider ay nagtuturo ng pagmamahal at respeto, at ang mga miyembro ay lumalago sa kapayapaan at tagumpay. Ang iyong paggalang sa Diyos ay nagdadala sa buong pamilya ng proteksyon, karunungan, at mga pagpapala, na nagsisilbing patunay ng Kanyang biyaya sa bawat aspeto ng iyong buhay.


Pasimulan at ipagpatuloy ng sadya ang pagkakaroon ng malalim na paggalang sa Diyos. Ipatupad ito sa pamamagitan ng pagiging tapat at mapagmalasakit sa iyong mga gawa at relasyon. Magpakita ng integridad sa iyong trabaho, at maging halimbawa ng pagmamahal at respeto sa iyong komunidad. Igalang mo angiyong mga magulang. Suportahan ang mga lider ng simbahan sa kanilang layuning itaguyod ang kalooban ng Diyos. Sa ganitong paraan, makakamtan mo ang kapayapaan, kasiyahan, at mga pagpapala, na magdadala ng tunay na biyaya sa iyong buhay.

Panalangin:

Aking Diyos Ama, tulungan Mo kaming magkaroon ng malalim na paggalang sa Iyo. Ipatupad namin ito sa pamamagitan ng tapat na paggawa, pagmamalasakit sa kapwa, at integridad sa trabaho. Gabayan Mo kami na maging magandang halimbawa sa aming pamilya, sa komunidad at sa simbahan. 

Sa pangalan ni Jesus, Amen.  

Pagninilay:

The Bible in 1 year: 1 Samuel 11-12

 Written by: Gene Estrabon III

Read Previous Devotions