September 14, 2024 | Saturday

UVCC Daily Devotion

On the Book of Psalms

May Layunin Ang Mga Pagsubok At Mga Pasakit

Today's Verses:  Psalm 129:3-4 (ASND)

3Sinugatan nila ng malalim ang aming likod, na parang lupang inararo. 4Ngunit ang Panginoon ay matuwid, pinalaya niya kami sa pagkaalipin mula sa masasama.


Read Psalm 129

Naniniwala ka bang may malalim na layunin ang Diyos sa mga pagsubok at mga pasakit na dinanas natin tungo sa ating kaligtasan?


Ang Psalm 129 ay nagsasalaysay ng matinding pagdurusa ng Israel, na tila walang katapusan ang kanilang pagsubok at pag-uusig. Sa kabila ng mga paghihirap, ipinapahayag ng manunulat ang pag-asa at tiwala sa Diyos bilang kanilang tagapagtanggol. Si Yahweh nagbibigay sa kanila ng kaligtasan at tagumpay sa ayon sa kalooban ng Diyos.


Hindi iba sa atin ang mga pagsubok at pasakit. Lahat tayo ay may kanya-kanyang paraan ng pagharap sa mga ito. Minsan, binabalewala natin ang mga problema, na tila walang nangyayari. O kaya naman ay sobra tayong emotional. May mga pagkakataong tayo naman ay nananahimik, nag-iisip, at mapagpakumbaba na nananalangin sa Diyos — na may matiyagang pag-aantay sa Kanyang kalooban. Sa gitna ng mga ganitong sitwasyon, ang pananampalataya at tiwala natin sa Diyos ang nagsisilbing sandigan natin. Nakikita natin ang mga pagsubok bilang pagkakataon para sa personal na paglago at pagkatuto. Sa pamamagitan ng ating espirituwal na paniniwala, natutunan natin an ang bawat pagsubok ay bahagi ng mas malaking plano ng Diyos. Ang pag-asa at pagpapakumbaba natin sa Kanya ay nagbibigay sa atin ng lakas upang magpatuloy sa kabila ng hirap. Ngayon, mas nauunawaan natin na sa lahat ng pagsubok, may layunin at plano ang Diyos para sa ating buhay, na naglalayong magdulot ng kabutihan at kaligtasan sa atin.


Gawing makadiyos ang pananaw sa pagsubok sa pamamagitan ng Salita ng Diyos. Ipasakop sa Diyos ang iyong emosyon at karanasan para sa paglago sa pananampalataya. Sa halip na magalit, maaari mong i-channel ang emosyon sa malikhaing sining tulad ng tula, musika, o visual art. Maaari kang ding dumalo ng Bible studies para ibahagi ang iyong natutunan sa Biblia at as buhay. Ang pagdarasal at pagmumuni-muni gamit ang makadiyos na pananaw ay nagpapalalim ng ugnayan sa Diyos at nagbibigay lakas upang maglingkod at magbigay liwanag sa iba. Sa ganitong paraan, ang bawat pagsubok ay nagiging bahagi ng plano ng Diyos para sa ating pag-unlad.

Panalangin:

Aking Diyos Ama, sa gitna ng mga pagsubok, tulungan Mo kaming makita ang Iyong plano at layunin. Ipasakop Mo ang aming emosyon at karanasan sa Iyong Salita. Nawa ang aming mga pagsubok ay magbukas ng daan sa paglago sa pananampalataya.

Sa pangalan ni Jesus, Amen.  

Pagninilay:

The Bible in 1 year: 1 Samuel 13-14

 Written by: Gene Estrabon III

Read Previous Devotions