September 17, 2024 | Tuesday
UVCC Daily Devotion
On the Book of Psalms
Ang Matutong Maghintay Sa Panginoon
Today's Verses: Psalm 130:5-6 (ASND)
5Panginoon, akoʼy naghihintay sa inyo, at umaasa sa inyong mga salita. 6Naghihintay ako sa inyo higit pa sa tagabantay na naghihintay na dumating ang umaga.
Read Psalm 130
Bakit kaya maraming magagandang bagay ang makakamit sa pamamagitan ng matiyagang paghihintay, kahit na ito'y mahirap?
Sa Psalm 130:5-6, ipinapahayag ng manunulat ang malalim na tiwala sa Diyos. Ayon sa kanya, ang tunay na pag-asa at pasensya ay nagmumula sa paghihintay sa Panginoon. Sa kabila ng hirap, ang matiyagang paghihintay ay nagpapalalim ng espiritwal na pag-unlad at nagpapalakas ng relasyon sa Diyos.
Ang ating matiyagang paghihintay sa Panginoon ay siguradong magdudulot ng pag-asa at pananampalataya. Katulad ng isang babaeng nagbubuntis na matiyagang nag-aantay ng may pag-asa sa paglaki ng kanyang sanggol sa loob ng kanyang sinapupunan. Bagaman ang paglaki ng sanggol ay hindi agad nakikita, ang pagtitiwala ng ina sa proseso ng pagbubuntis ay nagbibigay sa kanya ng kapayapaan at lakas. Sa parehong paraan, ang paghihintay sa Diyos, kahit na mahirap, ay nagbubukas ng pagkakataon para sa mas malalim na relasyon sa Kanya. Ang paghihintay ay hindi lamang tungkol sa pagtanggap ng hinihintay, kundi pati na rin sa pagbuo ng matibay na pananampalataya at pag-unlad ng espiritwal na buhay. Sa bawat paghihintay ay natututo tayong magtiwala sa Diyos, magpasakop sa Diyos, at mapagpakumbabang humingi ng tawad sa ating pagiging maangal at mainipin. Ang ating matiyagang paghihintay sa Panginoon ay nagbibigay-daan sa mas makabuluhang pag-unawa sa ating relasyon sa ating Panginoong Jesus.
Maghintay ka ng may tiyaga sa Panginoon upang magkaroon ka ng pag-asa sa kabila ng mga pagsubok. Palakasin mo ang iyong pananampalataya sa pamamagitan ng masikap na pag-alam at buong pusong pagtitiwala sa Kanyang mga plano. Hanapin ang kapayapaan sa iyong paghihintay, kahit na sa mga hindi tiyak na sitwasyon. Gamitin ang pagkakataon ng paghihintay upang paunlarin ang iyong espiritwal na buhay at maging handa sa pagtanggap ng mga biyaya at pagsubok. Maging mapagpakumbaba at magpasakop sa kalooban ng Diyos. Humingi ng tawad sa iyong mga pagkukulang at pagsisihan na ang iyong mga kasalanan. Hayaan na ang iyong matiyagang paghihintay sa Diyos ay magbigay daan sa mas malalim na relasyon mo kay Jesus. Sa gayon, ang resulta at ang mas makabuluhang pag-unawa sa Kanyang kalooban.
Panalangin:
Aking Diyos, bigyan Mo po ako ng tiyaga at pag-asa habang naghihintay sa Iyo. Palakasin Mo ang aking pananampalataya at bigyan ako ng kapayapaan sa pagsubok. Turuan Mo akong magpasakop sa Iyo at humingi ng tawad.
Sa pangalan ni Jesus, Amen.
Pagninilay:
Bakit mahalaga ang matiyagang paghihintay sa Panginoon?
Ano ang mga benepisyo ng matiyagang paghihintay sa Diyos?
Paano pasimulan at ipagpatuloy ang maghintay sa Diyos?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions