September 21, 2024 | Saturday
UVCC Daily Devotion
On the Book of Psalms
Ang Pagsamba Sa Diyos Ay Paglilingkod Sa Diyos
Today's Verses: Psalm 134:1 (ASND)
Purihin ang Panginoon, lahat kayong mga naglilingkod sa kanyang templo kung gabi.
Read Psalm 134
Sumasamba at naglilingkod ka ba sa Diyos nang tapat at buong puso?
Sa Psalm 134, inaanyayahan ng manunulat ang lahat ng mga lingkod ng Panginoon na pagpalain Siya – lalo na ang mga naglilingkod sa Kanyang templo sa gabi. Ipinapahayag ng may-akda ang pagnanais sa presensya ng Diyos, na nagsasabing, “Itataas ninyo ang inyong mga kamay sa santuwaryo at purihin ang Panginoon.” Binibigyang-diin nito ang pagsamba at devotion sa Diyos.
Maraming tao ang abala sa iba’t ibang bagay. Madalas ay para makamit ang kanilang mga hangarin at pangarap. Sa proseso, ang ganitong kaabalahan ay ay kadalasang nalalayo sa Diyos ang mga tao. Madalas nalilito rin ang marami kung ano ang dapat unahin sa buhay. Araw-araw ay nangungulit ang ating mga naisin at mga pangangailangan. Sa ating panahon ngayon, tayo ay tinatawag din na sumamba at maglingkod sa Diyos. Sa Bibliya, makikita na ang pagsamba at paglilingkod ay palaging magkasama; sila ay iisang aksyon. Ang sinasamba natin ay pinaglilingkuran natin. Kung ang pera ang sinasamba, ang tao ay abala rito. Ang kanyang tagumpay ay nakabatay sa dami ng kanyang kayamanan. Sa ganitong paraan, ang oras na dapat sana ay inilalaan sa Diyos ay nauubos na din sa paghahanap ng yaman. Ayon kay Jesus, hindi maaaring pagsabayin ang paglilingkod sa pera at sa Diyos. Mahalaga na unahin ang ating pananampalataya at tunay na layunin sa buhay, sa kabila ng mga abala at hangarin na kadalasang humahadlang sa ating ugnayan sa Kanya.
Tigilan ang pagiging abala sa mga bagay na walang tunay na halaga. Maglaan ng oras araw-araw para sa pagsamba at panalangin, itakda ang pananampalataya sa unahan. Pahalagahan ang espirituwal na kasiyahan kaysa sa materyal na yaman. Iwasan ang pagsisilbi sa pera; ituring itong kasangkapan lamang. Makilahok sa mga gawain ng simbahan at magbigay sa iba. Tandaan, ayon kay Jesus, hindi maaaring pagsabayin ang paglilingkod sa Diyos at sa kayamanan; unahin ang ugnayan sa Kanya.
Panalangin:
Aking Diyos Ama, salamat sa Iyong pagmamahal at gabay. Tulungan Mo akong unahin Ka sa lahat ng bagay. Ipaabot Mo sa aking puso ang tunay na layunin ng aking buhay. Bigyan Mo ako ng lakas na sumamba at maglingkod sa Iyo ng buong puso.
Sa pangalan ni Jesus, Amen.
Pagninilay:
Ano ang mga dahilan kung bakit maraming tao ang nalalayo sa Diyos?
Bakit mahalaga ang pagsamba kasabay ng paglilingkod sa Diyos?
Paano natin maipa-prioritize ang ating pagsamba at paglilingkod sa kabila ng ating mga kaabalahan?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions