September 18, 2024 | Wednesday
UVCC Daily Devotion
On the Book of Psalms
Ang Magtiwala Sa Diyos
Today's Verses: Psalm 131:3 (ASND)
Mga taga-Israel, magtiwala kayo sa Panginoon ngayon at magpakailanman.
Read Psalm 131
May sapat ka bang dahilan para magtiwala sa Diyos?
Ang Psalm 131 ay naglalarawan ng isang mapagpakumbaba at mapayapang puso, na tinatanggihan ang kayabangan. Ang nagsasalita, na nagpapakita ng kasiyahan at tiwala sa Diyos, ay inihahambing ang kanilang kaluluwa sa isang batang walang ingay na nagpapahinga sa dibdib ng ina.
May panawagan sa bawat isa sa atin na magtiwala’t magkaroon ng pag-asa sa Diyos. Ang pagtitiwala at pag-asa sa Diyos ay nangangahulugan na ibigay ang iyong sarili ng buo at may pag-ayon at pagsunod sa kalooban ng ating Panginoon. Ang tunay na pagtitiwala ay ang magkaroon ng malalim na paniniwala sa karakter ng Diyos at sa kakayahan ng Diyos na kumilos para sa ating kapakanan. Kahit na ang mga plano Niya ay hindi palaging madali at malinaw sa atin, tayo ay magtitiwala pa rin. Ang pagtitiwala sa Diyos tulad ng isang bata na tahimik na natutulog sa dibdib ng kanyang ina. Sa ganitong pananaw, ang lumalagong Kristiyano ay hindi nag-aalala o nababahala gaano man kagulo ang mundo sa paligid niya. Ganito ang dapat na pagtingin natin sa ating relasyon sa Diyos — na magpahinga sa kapayapaan at kapanatagan na Kanyang ibinibigay. Ang pagtitiwala sa Diyos ay nagbibigay ng lakas at kapanatagan, nagsisilbing matibay na sandigan sa bawat hakbang ng buhay, kahit sa gitna ng mga pagsubok at pagdududa.
Magtiwala ka sa Diyos sa bawat aspeto ng iyong buhay. Ipagkatiwala mo ang iyong mga pangarap, mga takot, at mga pangamba sa Kanya. Iwasan mong mag-alala sa hinaharap at huwag magpakabahala sa mga pagsubok. Ipagkatiwa mo ang lahat ng iyong alalahanin at kabalisahan sa Diyos. Yakapin mo ang kapayapaan na Kanyang ibinibigay. Matutong magpahinga sa kapayapaan ng Diyos na dulot ng iyong pagtitiwala sa Kanya. Hanapin ang lakas mula sa Kanyang mga pangako at hayaan mong magbigay ito ng kapanatagan at lakas sa bawat hakbang ng iyong buhay. Isuko ang lahat ng iyong pangarap at pagdududa sa Diyos. Hayaan mong ang Diyos ay ang magbigay ng gabay at suporta sa iyo.
Panalangin:
Aking Diyos Ama, tinataas ko sa Iyo ang aking mga pangarap, takot, at pangamba. Ipinagkakatiwala ko sa Iyo ang aking mga hinaharap at mga kahilingan. Nawa ako’y manahan sa Iyong kapayapaan. Tulungan Mo akong magpahinga sa Iyong mga pangako at hanapin ang lakas sa bawat hakbang.
Sa pangalan ni Jesus, Amen.
Pagninilay:
Ano ang ibig sabihin ng pagtitiwala sa Diyos?
Bakit mahalaga ang magtiwala sa Diyos sa kabila ng mga takot at pangamba?
Paano mo maisasabuhay ang pagtitiwala sa Diyos sa iyong araw-araw na buhay?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions