April 12, 2024 | Friday

UVCC Daily Devotion

On the Book of Psalms

Ang Maging Focused Sa Diyos

Today's Verses: Psalm 46:10 (ASND)

Sinasabi niya, “Tumigil kayo at kilalanin ninyo na ako ang Dios. Akoʼy pararangalan sa mga bansa. Akoʼy papupurihan sa buong mundo.”


Read Psalm 46

Sa dami ng kaabalahan at kapaguran sa buhay, panahon na para maging ‘focused’ sa Diyos.


Ang mga manunulat ng Psalm chapter 46 ay mga anak ni Korah. Si Korah at ang kanyang mga anak ay mga musikero at mga manunulat ng awit at mga salmo. Sa kanilang pagsusulat, nakakamanghang isipin na ang buong pamilya ay nagturo noon ng napakahalagang konsepto: ang tumigil sa anumang kaabalahan at kilalanin ang Diyos. Alam nila na ang Diyos ay lakas at Siya ay kanlungan. Anuman ang kaguluhan hatid ng kaguluhan sa bansa at ng kalikasan ay hindi maaaring tumapat sa kapangyarihan at sa kadakilaan ng isang tunay at nag–iisang Diyos.


Dumarating ang panahon na ang mga bansa o ‘nations’ kasama ng kalikasan o ‘nature’ ay magbibigay parangal at papuri sa Diyos. Ito ay mangyayari kapag matutunan ng mga tao kung papaano ang maging ‘focused’ sa Diyos. Ang mga problema at alalahanin ay siyang bumabagabag sa atin upang maging abala. Maraming tao ang nagiging ‘out of focus’ dahil sa labis na media entertainment. Ang iba naman ay sa dahil sa problema hatid ng pang-araw-araw na pangangailangan. Dumarami din ang mga tao na sa sobrang focused sa ambisyon at kayamanan, ang nagiging resulta naman ay nagiging out of focus sa Diyos. Ito ay nakakakabang mga pauso. Nasaan na ang Diyos sa mga priorities natin?


Kailangan nating tumigil sa sobrang daming mga kaabalahan sa buhay. Kailangan nating tumigil sa labis na pag-aalala at pagiging bagabag sa napakaraming mga alahanin at mga ambisyon. Kailangan nating itigil ang mga laban sa ating mga puso at isipan. Kailangang madala natin ang ating mga pami-pamilya sa tunay na pagsamba at pagsunod sa Diyos. Kailangan nating kilalanin ang kadakilaan ng Diyos. Kailangan din nating alamin ang kapangyarihan ng Diyos. Kailangang may mabago sa direksiyon ng pagdausdos ng napakaraming tao sa kawalan ng ‘focus’ sa Diyos. Kailangan natin ng tulong at gabay ng Salita ng Diyos. Kailangan natin ang komunidad na hatid ng pagsasama-sama ng mga anak ng Diyos. 

Panalangin:

Aking Diyos Ama, patawarin mo ako sa kawalang ko ng focus sa Iyo. Anuman ang mga bumabagabag sa akin, kasalanan man o layaw, maling pananaw man o kaabalahan, ako po ay hanguin Niyo sa kawalan. Kailangan ko po si Jesus at ang Espiritu Santo sa aking buhay. Yakapin Mo ako. Gabayan Mo ako.

Sa pangalan ni Jesus, Amen.  

Pagninilay:

The Bible in 1 year: Exodus 7-8

 Written by: Gene Estrabon III

Read Previous Devotions