April 9, 2024 | Tuesday
UVCC Daily Devotion
On the Book of Psalms
Naliwanagan Ng Katotohanan Ng Diyos
Today's Verses: Psalm 43:3-4 (ASND)
3 Paliwanagan nʼyo ako at turuan ng inyong katotohanan, upang akoʼy magabayan pabalik sa inyong templo sa banal na bundok. 4 Nang sa gayon, makalapit ako sa inyong altar, O Dios, na nagpapagalak sa akin. At sa pamamagitan ng pagtugtog ng alpa ay pupurihin ko kayo, O aking Dios.
Read Psalm 43
Ang ating emosyon na nararamdaman ay kayang bigyang liwanag ng pagpapasakop sa katotohanan ng Diyos.
Ang manunulat ng Psalm chapter 43 ay may panaghoy. Ang kanyang awit ay nakaugnay sa mga taong nakaranas ng kawalan ng katarungan o ‘injustice’. Ang ganitong klaseng negatibong karanasan ay gagabayan ng Psalm 43 para maipamanhik sa Diyos. Ang kasama sa naipamanhik ay ang naisin ng taong makadiyos na maliwanagan ng katotohanan ng Diyos. Dahil dito, nagkakaroon ng kalayaan ang taong makadiyos na bagaman nasaktan ay nagpakumbaba sa Diyos, nahilom ng Diyos, at nagpuri sa Diyos.
Kahit nasaktan ang ating emosyon, tayo ay maaaring dumaing sa Diyos. Hindi tayo mamaliitin ng Diyos dahil sa ating negatibong emosyon. Alam niya na tayo ay tao at Siya ay Diyos Ama. Salamat ay may tamang paraan ng paglapit at paghiling sa Diyos. Sa katotohanang gabay tulad ng Psalm 43, tayo ay makalalapit sa Diyos. Tayo ay tatanggapin ng Diyos. Liliwanagan tayo ng Diyos. Mananahan tayo sa katotohanan ng Diyos. Tayo ay magkakaroon ng laya na magpuri ng may awit para sa Diyos. Dahil sa ating paglapit sa Diyos, tayo ay naliliwanagan, pinakalaya, at pinupuno Niya ng galak. Purihin ang Diyos!
Dalhin natin kay Jesus ang ating buong pagkatao kasama ang anumang panaghoy. Ang lahat ng ating negatibong emosyon at hinaing ay ilatag lahat sa Diyos. Anuman ang ating mga kalungkutan ay banggitin natin sa Kanya. Habang tayo ay nasa presensiya ng Diyos, tanggapin natin ang Kanyang kaliwanagan, ang Kanyang kagalingan, at ang Kanyang katotohanan. Sa ating paglapit sa Diyos, magpakumbaba at magpapasakop. Tanggapin natin ang pag-asa na hatid ng pananatili sa kung nasaan ang Diyos.
Panalangin:
Diyos Ama, ako ay may hinanaing sa buhay. Liwanagan mo ako ng iyong katotohanan. Anumang sugat dala ng aking mga negatibong karanasan ko sa buhay ay iyong paghilumin. Nais kong Ikaw ang maging bukambibig ko. Nais kong purihin Ka sa pamamagitan ng aking buhay. Salamat sa kalayaan bigay mo laban sa anumang lungkot o bagabag.
Sa pangalan ni Jesus, Amen.
Pagninilay:
Anu-ano ang mga bumabagabag sa iyong emosyon?
Bakit madalas ay nagiging hadlang ang ating mga emosyon sa paglapit sa Diyos at matanggap ang pagpapalaya ng Diyos?
Papaano maliliwanagan ng katotohanan ng Diyos ang buhay ng isang tao?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions