April 4, 2024 | Thursday
UVCC Daily Devotion
On the Book of Psalms
Ang Makadiyos Na Awitin
Today's Verses: Psalm 40:3–4 (MBBTag)
3 Isang bagong awit, sa aki'y itinuro, papuri sa Diyos, ang awit ng puso; matatakot ang bawat makakasaksi, at magtitiwala sa Diyos na si Yahweh. 4 Mapalad ang taong, kay Yahweh'y tiwala, at sa diyus-diyosa'y hindi dumadapa; hindi sumasama sa nananambahan, sa mga nagkalat na diyus-diyosan.
Read Psalm 40
Ang makadiyos na awitin ay may pinanggalingan na emosyon at katotohanan.
Ang mga likhang awitin ni David ay puno ng damdamin. Pansin ang emosyon tuwing aawit ng may pagdiriwang. Itinuro ni David ang mga awitin dahil alam niyang nakikinig ang Diyos. Dagdag pa, ang mga likhang awitin ni David ay puno din ng katotohanan. Hindi lang ang mga damdamin ang nahahayag kundi ang katotohanan din kung sino ang Diyos. Naghahayag ng damdamin ang manunulat. Ang kanyang mga isinulat na awitin ay naglalaman ng katotohanan. Higit sa lahat, nagtatapos ang kanyang mga awitin ng may pananampalataya at pagkilala sa Diyos.
Ang ating nararamdaman at paniniwala ay siguradong may katapat na awitin. Ang makalangit na awitin ay mga awitin na may emosyon at may katotohanan na hango sa Salita ng Diyos. Ang makamundong awitin ay may emosyon din ngunit may paniniwala na hango kaalaman o paniniwala na salungat sa Salita ng Diyos. Ang kapangyarihan na meron ang anumang awitin, ito man ay sagrado, ‘neutral’, o makamundo, ay may pinanggagalingan na emosyon at paniniwala. Ang mga papuring awit na meron ang mga lumalagong Kristiyano ay mga awiting makalangit. Ang mga lumalagong Kristiyano ay may mga awiting makalangit dahil nagiging totoo sila sa kanilang emosyon at may basehan sila mula sa Salita ng Diyos. Dapat maunawaan ito ng mabuti.
Magbigay ng dobleng pansin sa mga makalangit na musika at awitin. Kung ikaw ay mahilig umawit at ikaw din ay nagpapahayag ng pananampalataya kay Jesus Christ, kailangan mong usisain ang klase ng musika na inaawit mo at kinahihiligan mo. Aralin ng mabuti ang lyrics ng inaawit mo. Huwag pumanig lamang sa dahil sa emosyon. Baka ‘romanticism’ lang yan. Kailangan ang emosyon, ngunit dapat naka-partner ito sa paniniwala mo na hatid ng katotohanan mula sa Biblia. Never na ipagliban ang Biblical na katotohanan para lamang sa magandang tono at malalim na emosyon. Bible pa rin ang may ‘last say’. Gumawa ng bagong awitin na puno ng emosyon at ng katotohanang makadiyos.
Panalangin:
Diyos Ama, turuan mo akong umawit sa Iyo ng may emosyon at may katotohanan. Ipahintulot mo na mapansin ito ng iba at sila din ay magpuri sa Iyo!
Sa pangalan ni Jesus, Amen.
Pagninilay:
Kung pag-uusapan ang musika, ano ang kinalaman ng emosyon ng tao sa mga katotohanan na hango sa Biblia?
Papaano kakahiligan ang umawit ng may emosyon at the same time ay may katotohanan?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions