April 8, 2024 | Monday

UVCC Daily Devotion

On the Book of Psalms

Gunitain Ang Diyos

Today's Verses: Psalm 42:5-6 (MBBTag)

5 Bakit ako nanlulumo, bakit ako nagdaramdam? Sa Diyos ako may tiwala, siyang aking aasahan; Diyos na Tagapagligtas, muli ko siyang aawitan. 6 Siya ay gugunitain ng puso kong tigib-hirap, habang ako'y nasa Jordan, sa Hermon, at sa Mizar di ko siya malilimot, gugunitain oras-oras


Read Psalm 42

Ang paggunita sa Diyos ay nagdudulot ng tagumpay laban sa panlulumo at pagdaramdam.


Ang Psalms chapter 42 ay isinulat ng angkan ni Korah. Sila din ay mga manunulat ng mga Salmo katulad ni Haring David. Ang naisulat nila ay isa sa mga pagsambang awitin ng mga Israelita. Para sa mga angkan ni Korah, ang paggunita sa Diyos ay pagsamba sa Diyos. Kaya ang awitin ay puno ng mga pag-alala sa kalikasan ng Diyos at sa mga kayang gawin ng Diyos dahil sa Kanyang magagandang katangian. Dahil sa Diyos at sa pakikipag-niig sa Kanya, may pag-asa sa buhay laban sa anumang problema.


Pilit man tayong gustong talunin ng panlulumo at pagdaramdam, ang tamang paggunita sa Diyos ay mabisa pa rin. Kapag tayo bilang tao ay mas nakatuon sa mga negatibong pangyayari sa buhay, napakadaling mawalan ng pag-asa. Kapag may mga nararamdaman na panghihinayang dahil sa mga alaala na sana ay nagawa, ang tugon ay magfocus ng pansin natin sa Diyos. Dito ang pagsamba sa Diyos ay mas nagiging makabuluhan. Mas nagkakaroon ng emosyon at kaisipan na ang Diyos talaga ang ating kailangan. Kumbaga, ansarap na tamasahin ang kabutihan ng Diyos matapos ang panlulumo at pagdaramdam. Kapag nausisa natin ang ating sarili sa negatibong nanyayari sa buhay natin, doon natin mas nauunawaan ang galawan ng Diyos sa ating buhay. Sa ganitong punto, mas mula sa puso ang pagsamba at pakikipag-niig sa Diyos.


Gunitain o alalahanin kung sino talaga ang Diyos. Huwag pumayag na matakpan ng mga alalahanin ang ating pananaw sa Diyos. Simulang usisain at suriin ang ating sariling buhay at ating pananaw sa buhay. Huwag lumihis sa kanan o sa kaliwa kung ikaw ay pinadidiretso ng Diyos. Manatili sa lakarin ng pagsamba sa Diyos. Kilalanin ang Diyos. Mag-enjoy sa katapatan ng Diyos. Sambahin natin Siya ng ating buhay.

Panalangin:

Dakilang Diyos Ama, aking naisin na mas makilala ka: ang makaniig ang Diyos ng ayon sa espiritu at sa katotohanan, ang katagpuin mo ako sa aking kapighatian, ang masamba Ka o Diyos ng may pananabik, na kami na iyong mga anak ay maging wagi sa anumang kagulumihanan. Ikaw, O Diyos, ang aking ginugunita. 

Sa pangalan ni Jesus, Amen. 

Pagninilay:

The Bible in 1 year: Genesis 48-50

 Written by: Gene Estrabon III

Read Previous Devotions