April 22, 2024 | Monday
UVCC Daily Devotion
On the Book of Psalms
Ang Diyos Ang Tumutulong Sa Akin
Today's Verses: Psalm 54:4,6 (ASND)
4 Kayo, O Dios ang tumutulong sa akin. Kayo, Panginoon ang aking maaasahan. 6 Kusang-loob akong maghahandog sa inyo Panginoon. Pupurihin ko ang pangalan nʼyo dahil napakabuti ninyo.
Read Psalm 54
Ang Diyos ay handang tumulong sa sinumang may pangangailangan o nasa panganib.
Si Haring David ay may kumpiyansa sa Panginoong Diyos. Alam niya ang banta ng panganib mula sa mga masasamang tao. Dagdag pa ang alanganing niyang sitwasyun nung siya ay tinutugis dahil sa inggit ng Hari ng Israel. Ganunpaman, si David na noo’y hindi pa hari, ay nakalikha ng awit na magagamit ng sinumang nasa panganib din.
Tayo ay may kasiguraduhan sa Panginoon. Yan ay malinaw na inihahayag ng Psalm chapter 54. Malinaw na ang Diyos ay tumutulong sa mga tumatawag sa Kanya. Kung pansin natin ang panganib sa paligid, maging ang mga banta ng anumang problema, at tayo ay magpapakumababa sa Diyos, ang Diyos ay diringgin tayo at magpapadala ng proteksyon at ng tulong. Maraming tao na ang nagpatotoo sa mga ‘breakthroughs and miracles’ ng Diyos sa kanilang buhay. Ang mga tao na ito ay namoroblema dahil sa panganib, tumawag sa Panginoon, at sa kanila ay tumugon ang Diyos ayon sa kalooban ng Niya. Maraming napatunayan na ang kabutihan ng Diyos. Hindi nila napigilan ang kanilang sarili na magpasalamat sa Diyos at ipagsabi sa ibang tao ang kadakilaan ng Diyos.
Aminin na tayo ang nagkakaproblema. Kasunod ay pangalanan kung ano ang problema. Next ay, alamin kung ang problema ay kagagawan mo o kagagawan ng ibang tao. Kung ang problema ay dahil sa mali mong desisyon o pag-uugali, mag-repent at humingi ng tulong sa Diyos. Ang Panginoon ay handang magpatawad sa atin. Kung ang problema naman ay kagagawan ng ibang tao, magpatawad ka at humingi ng tulong sa Diyos. Kahit hindi siya o sila humihingi ng tawad, magpatawad pa rin. Ito ay para sa iyong kapakanan. Kung gagawin mo ang mga ito, mas gagaan ang kalooban mo. Mas maasahan mo rin ang paggalaw ng Diyos sa iyong sitasyon dahil ikaw ay humingi ng tawag o nagpatawad. Ang pinakamahalaga ay masasabi mo na, “Kayo, O Dios ang tumutulong sa akin. Kayo, Panginoon ang aking maaasahan. Kusang-loob akong maghahandog sa inyo Panginoon. Pupurihin ko ang pangalan nʼyo dahil napakabuti ninyo.” Ipagsabi ang kabutihan ng Diyos!
Panalangin:
Diyos Ama, ako’y naniniwala na ikaw ang aking sanggalang at handang tulong. Kaya turuan Mo akong humingi ng tawad o magpatawad. Purihin Ka sa Iyong katapatan sa akin. Sinasamba kita.
Sa pangalan ni Jesus, Amen.
Pagninilay:
Anu-ano ang mga problema mong kinakaharap?
Kailangan mo bang humingi ng tawad o magpatawad?
Paano mo mas mararanasan ang tulong ng Diyos tuwing tayo may pangangailangan o panganib na kinakaharap?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions