April 18, 2024 | Thursday
UVCC Daily Devotion
On the Book of Psalms
Galak Ng Pagliligtas ng Diyos
Today's Verses: Psalm 51:12–13 (MBBTag)
12 Ang galak na dulot ng iyong pagliligtas, ibalik at ako po'y gawin mong tapat. 13 Kung magkagayon na, aking tuturuang sa iyo lumapit ang makasalanan.
Read Psalm 51
May galak mula sa Diyos ang lumalagong Kristiyano na nananatili sa pagsamba at pagsunod.
Isa sa mga pinakasikat na Psalms ang Psalm chapter 51. Ito ay patungkol sa pagsisisi ni David dahil sa nagawa niyang pangangalunya. Siya ay hinarap at nilitis ni Prophet Nathan. Sa una ay nagmaang-maangan si David. Ngunit nang siya ay masukol, siya din naman ay agad na nagsisisi. Ang Psalm chapter 51 ay awit na nilikha ni Haring David para iparamdam sa Diyos ang kanyang pagsisisi.
Ang Psalm chapter 51 ay ganap na gabay sa mga tao na nagnanais na magpakumbaba sa Diyos at magsisi dahil sa nagawang kasalanan. Ang isang tao na nagkasala ay walang kagalakan. Maaaring mayroong saya dahil ninanamnam pa ang nagawang kasalanan. Pero alam natin na hindi pangmatagalan ang saya na dala ng pagsuway sa Diyos. Alam din natin na magdudulot ito ng kabigatan at kabiguan – lalo na sa nagsasabing siya’y Kristiyano. Maging ang lumalagong Kristiyano ay hindi malayo sa pagkakasala lalo’t hindi siya nagiging mapagmatyag. Kapag ang tao ay naging ‘idle’ at walang ginagawa, mas nagiging mabilis magkasala. Ang example aya ang supposed to be na mananalangin pero napatagal ang swipe sa social media. Nasayang ang oras dahil naging ‘idle’. Yung dapat ay dadalo sa Sunday worship pero napuyat-tinamad kaya hindi na nakadalo. O di kaya’y inuna ang gala. Ang pagiging ‘idle’ ay napupunta sa hindi pagtanggap ng nararapat na presensya ng Diyos. Ang malala, ay napunta pa sa pagkakasala dahil nalasing na sa alak imbis na napuspos ng Banal na Espiritu ng Diyos. Nakakalungkot. Sayang.
Naisin higit sa lahat na manatili sa presensya ng Diyos. Paglaanan ito ng espesyal na oras. Iwasan na tirang oras lamang ang maibigay sa Diyos. Higit na karapat-dapat ang Diyos sa ating oras sa araw-araw. Magbuo ng mga ‘non-negotiables’ na katotohanan at gawain na nararapat mong unahin higit sa lahat. Umiwas sa pagiging ‘idle’. Kung mapapahalagahan ng mga Kristiyano ang araw-gabing pakikipagniig sa Diyos, maiiwasan na ang magkasala, napaparangalan pa natin ang Diyos. Magalak kung ikaw ay ligtas. Ibahagi sa iba ang iyong natanggap na galak hatid ng kaligtasan dahil kay Jesus.
Panalangin:
Diyos Ama, salamat sa iyong pag-ibig sa akin. Patawarin mo ako sa mga panahon na ako ay ‘idle’ at nagkasala laban sa Iyo. Bigyan mo ako ng lumalalim na pang-unawa at karunungan para masunod ko ang mga ‘non-negotiables’ ng pagiging Kristiyano.
Sa pangalan ni Jesus, Amen.
Pagninilay:
Ano ang pagiging ‘idle’?
Ano ang nagiging resulta kapag ang tao ay nagiging ‘idle’?
Ano ang mga non-negotiables sa pagiging Kristiyano?
Paano nakakatulong ang mga ‘non-negotiables’ sa lumalagong Kristiyano?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions