April 17, 2024 | Wednesday
UVCC Daily Devotion
On the Book of Psalms
Handog Na Pasasalamat At Pagtupad Sa Mga Pangako
Today's Verses: Psalm 50:14–15 (ASND)
14 Ang kailangan kong handog ay ang inyong pasasalamat at ang pagtupad sa mga ipinangako ninyo sa akin na Kataas-taasang Dios. 15 Tumawag kayo sa akin sa oras ng inyong kagipitan. At ililigtas ko kayo at akoʼy pararangalan ninyo.”
Read Psalm 50
Pansin ng Diyos mula sa mga tao ang handog ng pasasalamat at ang pagtupad sa mga ipinangako
Ang Psalm chapter 50 ay awit mula sa manunulat na si Asaph. Bilang isang musician, ang kanyang angkan ay naging mga mang-aawit sa templo ni Yahweh. Si Asaph ay nakapagsulat ng labindalawang awit. Tatlo dito, kasama ang Psalm 50, ay mga awit tungkol sa karunungan na mula Diyos. Pinapahiwatig sa Awit 50 na ang Diyos ay nagsasalita ng karunungan at pagkilatis sa mga gawang pagsamba sa Diyos ng mga tao. Hayag sa awit na ang mga handog na pasasalamat at ang pagtupad sa mga pangako ang kinikilala ng Diyos bilang tunay na pagsamba. Ang pag-alay ng mga hayop ay hindi kasing halaga ng nilalaman ng puso na may pasasalamat at pagsunod sa Diyos.
Ang ating pagsamba sa Diyos ay mas naipakikita sa pamamagitan ng pasasalamat at pagtupad ng ipinangako. Talo ng pusong tumatalima sa Diyos ang anumang bagay na iniaalay natin sa Kanya. Ang karapatan ng Diyos na siyasatin ang klase ng ating pagsamba ay para malaman at isagawa natin ang pagsamba sa paraang nararapat. Ang paninita natin sa pagsamba ng ibang tao ay hindi kasing importante ng klase ng pagsamba na ating ginagawa (o hindi ginagawa). Maaaring mahusay tayo sa pagpansin sa ginagawa ng iba kesa sa ginagawa natin. Pero hindi ang ganitong klase ng pag-uugali o paninita ang nagpapaganda sa ating pakikitungo sa Diyos. Dapat may sapat tayong karunungan mula sa Diyos para magawa natin ang nararapat na paghandog sa Diyos.
Maging mapagpasalamat. Hindi tayo lalago sa pagiging maangal, pagiging mapagkunwari, o pagiging unteachable. Walang karunungan sa mga ito. Bagkus, pansinin ang pagtupad natin sa mga ipinangako natin sa Diyos. Magbalik tanaw at baka may pangako sa Diyos na hindi pa natin natutupad. Alalahanin natin ang ating sariling pananalita sa Diyos nung tayo ay nasa kagipitan. Tuparin na ang mga ito. Siguradong mapaparangalan natin ang Diyos.
Panalangin:
Aking Ama sa langit, buong pagpapakumbaba kong idinudulog ang aking sarili sa Iyong pagsisiyasat. Sinasambit ko ngayon ang aking pasasalamat sa Iyong katapatan. Tulungan Mo akong alalahanin at turuan Mo akong tupdin ang aking mga pangako sa Iyo.
Sa pangalan ni Jesus, Amen.
Pagninilay:
Anu-ano ang mga dapat mong ipagpasalamat sa Diyos?
Anu-ano ang mga ipinangako mo sa Diyos nung ikaw ay nasa kagipitan?
Paano lumalago ang isang Kristiyano sa kanyang pagsamba sa Diyos?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions