April 20, 2024 | Saturday
UVCC Daily Devotion
On the Book of Psalms
Dumating Na Nawa Ang Tagapagligtas Ng Israel
Today's Verses: Psalm 53:6 (MBBTag)
Dumating na sana ang Tagapagligtas ng Israel mula sa Zion! Magsasaya ang mga Israelita, ang mga mamamayan ng Dios, kapag naibalik na niya ang kanilang kasaganaan.
Read Psalm 53
Ipanalangin ang pagdating ng Tagapagligtas ng Israel.
Si Haring David na sumulat ng Psalm chapter 53 ay may panalangin. Ang panalangin niya ay dumating na ang tagapagligtas ng Israel. Ito ang isinulat niya sa dulo ng Psalm 53. Itong panalangin ni David ay may kinalaman sa kanyang mga napansin sa paligid: maraming hangal na may bulong sa puso na walang Diyos; ang kanilang mga gawa ay masasama; sila’y tumalikod na sa Diyos; at dahil sa mga taong ito, ang mga kababayan ni David na mga Israelita ay naaabuso at nasasamantala. Kaya ang taimtim na panalangin ni David ay dumating na ang tagapagligtas nilang mga taga Israel.
Tayo ay nasa lalong nagiging masama na sanlibutan. Hindi natin kayang makontrol ni maiwasan ang lumalaganap na kasamaan. Dumarami ang hindi kumikilala o hindi gumagalang sa Diyos. Iba ay totally tumalikod na. Hindi man sinasabi na tumalikod na sa Diyos, pero ang mga gawa ng tao ay may mensaheng pagtalikod sa Diyos. Minsan, ang mahihiling na lamang ng lumalagong Kristiyano ay dumating na nawa ang Diyos na tagapagligtas. Idagdag pa ang mga kalamidad na dumarating sa buong mundo ngayong unang apat na buwan 2024. Kasama ng mga kaguluhan at giyera ng mga bansa. Kaya ngayon din ang panahon para ipanalangin ang Israel sa kanyang mga kinakaharap na matitinding pagsalakay mula ilang karatig bansa. Samahan natin sila na sambitin ang Psalm 53:6, “Dumating na sana ang Tagapagligtas ng Israel mula sa Zion!” Nawa sila ay ingatan ng Panginoon. Noon lalo maging hanggan sa ngayon at hanggang sa kilalanin nila si Jesus bago ang second coming ni Jesus Christ.
Ipanalangin ang bansa ng Israel. Walang sawa natin silang itaas sa ating mga pananalangin. Bigyan halaga ang kanilang kaligtasan. Sambitin sa Diyos na kilalanin na nila si Jesus na Kristo at Panginoon. Nakay Jesus lamang ang kanilang kapayapaan, ang kanilang kaayusan, at lalo na ang kanilang kaligtasan.
Panalangin:
Diyos Ama, aking sinasambit para sa iyong piniling bayan … Shalom! O Israel. Kapayapaan sa iyo. Ang iyong moog ay maging matatag. Nawa, tanggapin na ng iyong bayan, O Israel, na dumating na ang iyong Mesias. Siya si Hesus, ang Kristo at Panginoon!
Sa pangalan ni Jesus, Amen.
Pagninilay:
Ano ang panalangin ni David na dumating na para sa Israel?
Bakit dapat nating maisapanalangin para sa mga mamamayan ng Israel?
Kung naniniwala ka na muling pupunta si Jesus sa daigdig, paano magiging bahagi ng pagwelcome kay Jesus sa Kanyang ikalawang pagpunta sa sanlibutan?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions