April 23, 2024 | Tuesday
UVCC Daily Devotion
On the Book of Psalms
Laging Nakikinig Ang Panginoon
Today's Verses: Psalm 55:16–17,22 (ASND)
16 Ngunit ako ay humihingi ng tulong sa Panginoong Dios, at inililigtas niya ako. 17 Umaga, tanghali at gabi, dumadaing ako at nagbubuntong-hininga sa kanya, at akoʼy pinapakinggan niya. 22 Ibigay mo sa Panginoon ang iyong mga alalahanin at aalagaan ka niya. Hindi niya pababayaan ang mga matuwid magpakailanman.
Read Psalm 55
Anumang oras, anumang araw, nakikikinig ang Panginoon Diyos sa nananalangin sa Kanya.
Tigib ng dalamhati ang buhay ni David dahil sa mga naranasan niyang problema. Hindi lingid sa buhay ni Haring David na may mga sitwasyon na lubhang mahirap para sa kanya. Naranasan niyang maguluhan dahil sa mga suliranin. Naranasan niyang i-bully siya ng ilang tao sa paligid. Maging ang mga itinuring niyang kaibigan ay nakaranas siya ng insulto. Nanalangin si David at ibinuhos niyang lahat ng kanyang emosyon at mga suliranin. Siya ay napanatag ng katotohanang siya’y dininig ng Diyos ng may sukdulang biyaya at pagliligtas.
Lahat ng tao ay may kaniya-kanyang mga problema. Walang exempted sa problema. May lungkot at hirap itong dala-dala. Ang kaibahan nga lang ay ang pagiging lamang ng taong may Diyos na sinasampatayaan, sinasamba, at pinaglilingkuran. Ang taong ito ay may pag-asa, may karamay, at may kapahingahan sa damdamin. Ang taong may Jesu-Kristo sa puso ay may pananaw na makalangit, may Salita ng Diyos na binubulay-bulay, at may katotohanan na pinanananaligan. Hindi ang kanyang emosyon ang basehan kundi ang pamantayan ng Diyos. Siya ay pinamamahalaan ng Banal na Espritu Santo. Siya ay lumalagong Kristiyano.
Idulog sa Diyos ang iyong mga dalahin. Dalhin sa paanan ni Jesus ang iyong mga suliranin. Tingnan ang mga pangyayari at mga tao sa iyong paligid ayon sa pananaw na kaloob sa iyo ng Diyos. Tandaan, lamang ang lumalagong Kristiyano sa buhay. Meron ka nang Father, Son, Holy Spirit, meron ka pang Salita ng Diyos, meron ka pang church, at mga kapatiran. Sila ang mga nagbibigay kapanatagan sa buhay. Basta palagian tayong maging humble at teachable. Maaaring hindi mo gusto ang iba sa mga naririnig mo. Ngunit, hangarin pa rin na maturuan ka tungo sa pagiging makadiyos at lumalagong Kristiyano.
Panalangin:
Mabuting Diyos Ama, salamat sa palagian Mong paggabay. Salamat sa palagian Mong pakikinig sa aking mga daing. Salamat sa pagsama Mo sa akin sa anumang dalamhati ko sa buhay. Ako ay payapa dahil sa Iyo. Ako ay may pag-asa hatid ng Iyong Salita. Pagsamba at paglilingkod ko ay sa Iyo lamang.
Sa pangalan ni Jesus, Amen.
Pagninilay:
Ano ang lungkot at hirap na dala-dala mo itong mga nakalipas na mga araw?
Paano makakatulong ang pagiging humble at teachable sa gitna ng mga problema at suliranin?
Paano ka nagkakaroon ng pag-asa sa kabila ng mga hugot mo sa buhay?
Written by: Gene Estrabon III
Read Previous Devotions