April 25, 2024 | Thursday

UVCC Daily Devotion

On the Book of Psalms

Walang Kapantay Na Pag-Ibig At Katapatan Ng Diyos

Today's Verses: Psalm 57:9–11 (ASND)

9 Panginoon, pupurihin ko kayo sa gitna ng mga mamamayan. At sa gitna ng mga bansa, ikaw ay aking aawitan. 10 Dahil ang pag-ibig nʼyo at katapatan ay hindi mapantayan at lampas pa sa kalangitan. 11 O Dios, ipakita nʼyo ang inyong kapangyarihan sa buong kalangitan at sa buong mundo.


Read Psalm 57

Ang pag-ibig at katapatan ng Diyos ay hindi kayang mapantayan.


Samu’t saring pagsubok at problema ang naranasan ni Haring David bago siya naging hari. At ang isa sa mga pinakamatindi doon ay yung ilang beses na pinagtangkaan ni Haring Saul ang kanyang buhay. Nagtyaga si David sa katatago hanggang sa lumipas ang karahasan na ito. Nagpakamatay ang tumutugis at tumutuligsa kay David. Kasunod na nangyari ay naging hari si David ng Israel. Sa dulo ng matindi at marahas na problema ni David, ang pag-ibig at ang katapatan ng Diyos ang nanaig.


Ang buhay natin, gaano man kahirap dahil sa mga problema at pagsubok, kung mananatili tayo nananalig sa Diyos, ay mararanasan natin ang resulta ng pag-ibig at ng katapatan ng Diyos. Marami ka man dahilan para sumuko, mas makatotohanan ang dahilan para manatili ka sa pananalig sa Diyos. Malabo man ang iyong natatanaw dahil sa mga problema, hindi tumitigil ang katapatan at ang pag-ibig ng Diyos kahit may mga pangyayari na hindi mo nauunawaan. Bagkus, dahil sa katapatan at pag-ibig ng Diyos, ang taong nananalig – lalo ang lumalagong Kristiyano – ay may maaasahan na tagumpay sa dulo ng laban.


Huwag sumuko sa mga laban sa buhay. Magpakatatag sa pananalig sa Diyos. Awitan ang Panginoon. Masigasig na makiisa sa mga kapwa mananampalataya na sumasamba at maglingkod sa Diyos. Punuin ang iyong isipan ng katuruan tungkol sa pag-ibig at ang katapatan ng Diyos. Umasa. Magtyaga. Ituon ang buong attention sa panukala ng Diyos sa iyong buhay. Di kalaunan, mangyayari ang planong pagpapala ng Diyos sa iyong buhay. Purihin ng buong sigla ang Panginoong Diyos sa gitna ng mga mamamayan. Walang kapantay ang pag-ibig at katapatan ng Diyos!

Panalangin:

Diyos Ama, Ikaw ay tapat at puno ng pag-ibig. Ikaw, O Diyos, ay matyagang nakamatyag sa buhay ko. Hindi Ka susuko kahit ako ay nagkakasala. Lubos pa rin ang pag-iingat Mo sa akin. Turuan Mo akong magpuri sa iyo. Gabayan Mo ako. Nais kong purihin Ka kasama ang mga kapatiran. Purihin Ka sa Iyong pag-ibig at katapatan 

Sa pangalan ni Jesus, Amen.  

Pagninilay:

The Bible in 1 year: Exodus 29-30

 Written by: Gene Estrabon III

Read Previous Devotions