April 26, 2024 | Friday

UVCC Daily Devotion

On the Book of Psalms

Ang Hatol At Gantimpala Ng Diyos

Today's Verses: Psalm 58:11 (ASND)

At sasabihin ng mga tao, “Tunay ngang may gantimpala ang matutuwid at mayroong Dios na humahatol sa mga tao sa mundo.”


Read Psalm 58

Ang Diyos pa rin ang may karapatang humatol at magbigay ng gantimpala o kaparusahan. 


Kung uunawain natin ang isipan ni David kung bakit niya isinulat ang Psalm chapter 58, naiisip natin na hindi lang ang damdamin ng nagsulat kundi maging ang sakit ng pang-aabuso ng mga sutil na tao sa kanilang kapwa.Masidhi ang damdamin dito ni David. Malamang ganoon din ang mga nararamdaman ng kanyang mga kapwa Israelita na nakakaranas ng pang-aabuso. Kaya si David ay ginawa itong awitin. Ang awit ng panalangin na ito sa Diyos ay gabay para maibuhos ng mga taong naaabuso ang kanilang masidhing damdamin at iyak para sa katarungan.


Katulad ng mga sinasabi natin madalas sa ating devotional series sa Psalms o Mga Awit, hindi mamasamain ng Diyos tuwing tayo ay dumadaing ng ating mga hugot sa Kanya. Marunong umunawa ang Diyos. Yang ang kakaiba at kahanga-hanga sa ating Diyos. Pwede tayong lumapit dala-dala ang ating mga hugot at hindi Niya tayo huhusgahan. Ang kagandahan sa ganitong klaseng gawi ay nakakagaan sa pakiramdam. Habang nananatili naman tayo sa presensya ng Diyos, ang puso naman natin ay Kanyang binabago. Isinasaayos. Yan ang pakinabang kung araw-araw na nakikipagniig sa Diyos. Pagdating naman sa mga tao na nag-aabuso gamit ang kanilang kakayahan, kapangyarihan, o kayamanan, si Lord na ang bahala sa kanila. Hindi mo kailan na maabala sa iyong pagsamba, pagsunod, at paglilingkod sa Diyos. Kaya ng Diyos ipagtanggol ka. Kaya ng Diyos na gantimpalaan ka.


Ipagpasa Diyos ang iyong mga problema, karamdaman, o mga nararanasang pang-aabuso. Ipagkatiwala sa Diyos ang iyong kapakanan. Hindi babalewalain ng Diyos ang iyong kalalagayan. Gawing adhikain ang buong pusong pagsunod sa Diyos. Maging malaya mula sa bugso ng damdamin, mula sa mga alalahanin, o mula sa mga takot. Dalin ang iyong sarili tungo sa pagsamba, pagsunod, at paglilingkod sa Diyos. Masyadong maikli ang buhay para magmukmok at madiskarel. Maging daluyan ka ng pagpapala ng Diyos tungo sa iyong kapwa.

Panalangin:

Dakilang Diyos Ama, ako ay lalong humahanga sa Iyo dahil sa mga ibinigay Mong Salita. Salamat sa pagbubukas Mo sa aking kaisipan. Salamat sa kalayaan na lumapit sa Iyo dala-dala ang aking mga alalahanin at problema. Patuloy Mo akong pahangain sa presensya Mo, kalayaan Mo, at sa mga gantimpala Mo.

Sa pangalan ni Jesus, Amen.  

Pagninilay:

The Bible in 1 year: Exodus 31-32

 Written by: Gene Estrabon III

Read Previous Devotions