April 1, 2025 | Tuesday

UVCC Daily Devotion

Mahalaga Ang Iyong Pagkakakilanlan

Today's Verses: Genesis 35:9–11a (ASND)

9Nang umuwi si Jacob mula sa Padan Aram, muling nagpakita ang Dios sa kanya at binasbasan siya. 10Sinabi ng Dios sa kanya, “Jacob ang pangalan mo, pero mula ngayon hindi ka na tatawaging Jacob kundi Israel na.” Kaya naging Israel ang pangalan ni Jacob. 11Sinabi pa ng Dios sa kanya, “Ako ang Makapangyarihang Dios.


Read Genesis 35

Ikaw ba ay mga pruweba na tunay kang anak ng Diyos?


Bumalik si Jacob mula sa Padan-aram at nagpakita sa kanya ang Diyos sa Bethel. Binansagan siyang Israel at binasbasan bilang ama ng maraming bansa. Nangako ang Diyos ng mga pagpapala para sa kanyang lahi. Ito ang simula ng bagong misyon at pagpapala para sa kanyang pamilya at mga anak.


May kakaibang galak o lungkot na mararamdaman ka depende sa iyong pagkakakilanlan o identity. Isipin mo kung gaano kahalaga ang ID o identification card para sa isang karaniwang tao. Sa mga mahahalagang transaksyon, pakikipag-usap, o pagpasok sa mga gusaling may seguridad, kinakailangan ang ID. Nasa ID ang iyong pangalan, litrato, at iba pang mahahalagang impormasyon para mapatunayan kung sino ka talaga. Kung mahalaga ang ID sa ating pisikal na mundo, gaano pa kaya ang spiritual identity, lalo na kung ang pagkakakilanlan ay mula o kaloob ng Diyos? Katulad ng nangyari kay Jacob na naging Israel, hindi man kinakailangang literal na palitan natin ang ating pangalan, ngunit sa espiritu, may kailangang baguhin si Lord sa ating kalooban. Kaya't napakahalaga na mapagkalooban tayo ng Diyos ng spiritual identity bilang anak ng Diyos. Ayon sa Biblia, hindi lahat ng tao ay anak ng Diyos. Kaya may paanyaya sa lahat na maging bahagi ng pamilya ng Diyos. Hindi automatic ang pagiging bahagi ng pamilya ng Diyos; ito ay nangangailangan ng pagtugon sa panawagan na manalig at tanggapin si Jesus bilang Diyos, Panginoon, at Tagapagligtas. Nais mo ba na madiskubre ito?


Maging aktibo at masigasig na bahagi ng pamilya ng Diyos. Siyasatin ang iyong sarili kung may pananalig at pagtanggap ka na ba kay Jesu-Kristo bilang Anak ng Diyos. Alamin kung naging totoo ba ang iyong pananalig at pagtanggap, dahil ito ay may bunga o mabuting resulta sa iyong pagkatao. May nabago bang gawi, pag-uugali, at pananalita? Suriin ang iyong puso kung ikaw ba ay relihiyoso lamang o tunay na anak ng Diyos na may pananalig sa puso at may pagbabago sa buhay.

Panalangin:


Aking Diyos Ama, linawan mo sa akin ang aking pagkakakilanlan. Sabihin mo sa akin kung ako ay tunay Mong anak na nanalaig at nagbabago at hindi nagpapanggap. 

Sa pangalan ni Jesus, Amen.  

Pagninilay:

The Bible in 1 year: Job 33-34

 Written by: Gene Estrabon III

Read Previous Devotions